INILAGAY ni Marestella Torres ang sarili bilang palaban uli sa gintong medalya sa Singapore Southeast Asian Games long jump nang higitan ang gold medal mark noong 2013 sa idinadaos na Philippine National Open-Invitational Athletics Championships sa Laguna Sports Complex sa Sta. Cruz, Laguna.
Nasukat ang pinakamalayong lundag ni Torres sa distansyang 6.47 meters na kanyang ginawa sa ikalimang talon para makuha ang ginto laban kina Katherine Khay Santos (6.25m) at Felyn Dolloso (5.49m).
Ang naabot na marka ng 34-anyos at two-time Olympian, na hindi nakasama sa Myanmar SEA Games dahil siya ay nanganak, ay higit sa 6.39m na ginawa ni Maria Natalia Londa ng Indonesia tungo sa unang puwesto noong 2013 SEA Games.
“First tournament ko ito mula Asian Games at nasa 70 percent pa lang ako. May mga series of competitions pa ako para maabot ko ang peak ko bago mag-SEAG sa Singapore,” wika ni Torres na dinomina ang SEAG sa apat na sunod na edisyon mula 2005 SEA Games.
Naniniwala siyang maibabalik niya ang mabangis na kondisyon para maisakatuparan ang target na malampasan ang kanyang Philippine at SEA Games record na 6.71m na ginawa noong 2011 sa Palembang, Indonesia.
Nakalahok si Torres sa Asian Games sa Incheon, South Korea pero foul ang kanyang tatlong attempts upang umuwing luhaan.
“Last year, kababalik ko lang at kahit nakakatalon ako, wala pa talaga ang confidence ko at consistency. Ngayon ay talagang focus ako at matured na kaya alam kong kaya kong higitan ang record ko,” dagdag ni Torres.
Nakabawi naman si Santos sa pagkatalo nang pagharian ang women’s 100-meter run sa palarong inorganisa ng Philippine Amateur Track and Field Association at suportado ng Laguna sa pangunguna ni Gobernador Ramil Hernandez.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.