Para sa lahat ng mga Pinoy sa buong mundo
Sa suporta pa lang ng mga Pilipino sa iba’t ibang dako ng mundo ay panalong-panalo na si Jessica Sanchez.
Binulabog niya ang mga Pinoy sa Amerika, talagang binigyan siya ng panahon ng mga kababayan natin du’n na abalang-abala sa kanilang mga trabaho, nag-ikot talaga sila para makalikom ng mas maraming boto para sa magaling na Mexican-Filipina singer.
Sa Chula Vista kung saan naninirahan ang mga Sanchez ay nagkaisa ang mga Pinoy at Hispanico na lumiban sa kanilang trabaho para sumama sa caravan sa palibot ng San Diego, dala-dala ang kani-kanilang megaphone ay nanawagan sila sa mga kapwa natin Pilipino na huwag makalimot bumoto para kay Jessica.
Ang kanilang pag-asa, kapag si Jessica Sanchez ang tinanghal na kampeon ng American Idol ay lilikha siya ng kasaysayan bilang unang Asyanong kampeon ng malawakang labanan, pinakabata pa sa lahat ng kalahok ang ating kababayan na disisais anyos lang.Du’n pa lang ay panalong-panalo na si Jessica, minsan pang ipinakita ng ating lahi ang pagiging kuyog sa pagsuporta kapag kinakailangan, maging ang Pambansang Kamaong si Pacman ay dumalaw kay Jessica sa backstage ng Nokia Theatre sa Los Angeles, California.
Pero sa simula pa lang ng mahigpitang labanan ay meron na kaming paniniwala na hindi ibibigay kay Jessica Sanchez ang titulo bilang bagong American Idol.
Hindi talaga, dahil ang lulutang na sa pinakahuling yugto ay ang pandaigdigang pulitika, isang Mexican-Filipina laban sa isang purong Amerikano na ang pinag-uusapan du’n.
American Idol ang titulo ng labanan, kanino ibibigay ang titulo, sa isang itinuturing pa rin nilang dayuhan?
Pero para sa ating mga kababayan ay si Jessica Sanchez pa rin ang kampeon ng American Idol.
Ang ipinakita niyang talento mula sa umpisa hanggang sa dulo ng labanan ay isang malaking karangalan na kung tutuusin para sa ating lahi.
Hindi man siya ang tinanghal na kampeon ng American Idol 2012 ay si Jessica Sanchez pa rin ang ating champion, siya pa rin ang ating idolo, isa pa rin siyang Pinay na nagsulat ng pangalan ng ating bayan sa mapa ng buong mundo.
Isang malakas na palakpakan pa rin para kay Jessica Sanchez, ang anak ng Samal, Bataan, ang anak ng buong bayan ni Juan!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.