ANG kakapal ng mga mukha ng pamilya Binay sa pag-insista na walang karapatan ang Office of the Ombudsman na suspindihin si Mayor Junjun ng anim ng buwan kaugnay ng kasong graft sa diumano’y iregularidad sa construction ng Makati City Hall Building II.
Natutulog sa kanyang opisina si Mayor Junjun upang di siya mapaalis.
Ang kanyang amang konsintidor na si Vice President Jojo ay nagbigay babala na baka magkaroon ng “misencounter” sa pagitan ng mga tauhan ng Department of Interior and Local Government (DILG), na magpapatupad ng suspension order, at ng kanilang hakot crowd sa City Hall.
Ibig sabihin ni Vice President Binay ng misencounter ay may masasaktan o mamamatay dahil ito’y in reference doon sa barilan sa pagitan ng mga police commandos at mga Morong rebelde sa Maguindanao na ikinamatay ng 44 miyembro ng Special Action Force.
Ilang sources sa City Hall ang nagsabi sa akin na may ilang tao, kasama na rito ang mga babae at bata, na inupahan ng mga Binay na sasaktan ang kanilang sarili kapag nagkagirian ang mga pulis, na magpapatupad ng order, at ng hakot crowd.
Ipalalabas ng kampo ng mga Binay na inaapi sila at ang nang-aapi sa kanila ay si Roxas.
Madali namang maniwala ang simpleng-utak na masa dahil mukhang naglilimos sa kalye ang mga Binay kahit na anong klaseng bihis ang gawin nila sa sarili.
Ang binitiwang salita ni Vice President Binay kay Roxas ay panghahamon.
Ito’y defiance of lawful authority.
Ginawa na nga mga Binay ang opisina ni Junjun sa City Hall na kanilang bahay dahil doon na sila natutulog.
Ginawa na rin nila ang basement ng City Hall building na lutuan ng mga pagkain ng kanilang mga supporters upang huwag na silang umuwi ng kani-kanilang bahay.
Kapag ipinatupad ni Roxas ang suspension order at papasukin ang Makati City Hall, baka may masaktan kaya’t maghunos-dili siya.
Gagawin ni Vice President Jojo, na makakalaban ni Roxas sa pagka-Pangulo sa 2016 election, na political capital kapag may nasaktan sa kanyang hakot crowd.
Ang mga Binay ay nagsampa ng application for a temporary restraining order (TRO) sa Court of Appeals laban sa suspension order ng Office of the Ombudsman.
Bantayan natin ang mga justices na humahawak ngayon ng application for TRO ng mga Binay: sina Francisco Acosta, Eduardo Peralta at Jose Reyes.
Noong panahon ni Pangulong Gloria, binayaran ni Vice President Binay, na noon ay mayor ng Makati, ang ilang Court of Appeals justices na humawak ng kanyang TRO na naging permanent injunction upang mapigil ang kanyang suspension kaugnay ng graft case ng mga “ghost” employees sa Makati City Hall.
Saan ko nakuha ang report? Sa mga taong nakipag-usap sa mga justices para kay Binay.
Ang kaso na ghost employees laban kay Binay ay nasa archive na ngayon.
Umaasta ang mga Binay na parang pag-aari nila ang Makati City.
Ang mga Binay—sina Vice President Jojo, suspended Mayor Junjun, dating Mayor Elenita, Senator Nancy at Congresswoman Abigail—ay nagkaroon ng ganoong paniniwala na sila ang may-ari ng Makati dahil matagal nilang hinahawakan ang lungsod mula pa noong 1986.
Hindi sila nahihiya kahit na ano pa ang sabihin ng taumbayan sa kanila basta nasa kapangyarihan sila.
Ang kakapal talaga ng mga mukha nila!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.