Ni Bella Cariaso
Fourth of a series
HABANG palaisipan pa rin kung saan matatagpuan ang Atlantis, nananatili ring misteryo kung ano ang dahilan ng katapusan nito.
May iba’t-ibang teorya na pinaniniwalaan hinggil sa sinasabing dahilan ng paglubog nito.
Sinasabing dahil sa pagiging gahaman sa kapangyarihan at pagsama ng isang dating malinis na sibilisasyon, sumiklab ang giyera sa pagitan ng Atlantis at ang dating nitong kaalyado na Athens, na naging simula ng malagim nitong pagtatapos na ayon kay Plato ay nangyari 9,000 BC.
Sa pagkasira nito, ang tanging sinabi lamang ni Plato ay hinggil sa napakalas na mga lindol at malalaking pagbaha, at isang araw habang naglalaban ang mga tao, kinain sila ng mundo, at ang Atlantis ay sumunod na nilamon ng dagat at ito ay naglaho.
Sa kabila nito, karamihan ng mga teorya ay nagsasabi na ang nais ipakahulugan ni Plato hinggil sa Atlantis ay ang pagsibol at pagbagsak ng isang kilalang sinaunang sibilisasyon, bagamat hindi ito nagtutugma sa edad at lokasyon na binanggit ni Plato. Kung ano o sinong sinaunang sibilisasyon ay naging paksa pa rin ng debate.
Isa sa popular na sinasabing sinaunang sibilisasyon na pinatutungkulan ng Atlantis ay ang Minoans of Crete. Isa rin sa mga binanggit ay ang Troy.Imbento lamang?
Dahil na rin sa magkakaibang teorya hinggil sa Atlantis at ang orihinal na kwento ni Plato, may mga iskolar ang naniniwala na ang Atlantis ay isa lamang kathang-isip.
Ang Amerikanong iskolar Daniel Dombrowski ang nagsabi na ang Atlantis ay isang napakamakapangyarihang obra na inimbento ni Plato na kung saan ipinakita dito ang nasa pag-iisip ni Plato.
Anya, bukod sa mga isinulat ni Plato, makikita lamang ang Atlantis sa mga kaisipan ng mga taong may malawak na imahinasyon kagaya ng kay Plato.
Isinulat ang istorya sa panahon ng ginintuang panahon kaugnay ng obserbasyon at pagtatalo hinggil sa natural na mundo.
Sa pamamagitan ng mga isinulat ng mga iskolars kagaya ni Herodotus, Thucydides, Aristotle at Callisthenes, napagtagpi-tagpi ng mga historical seismologists ang mga larawan kaugnay ng mga lindol na nararanasan ng Greece noong mga panahong iyon.
Ang larawang ito ay nagpapakita kung gaano kalakas ang mga lindol kumpara sa mga naitala sa makabagong naitala sa nakalipas na maraming isang daang taon.Ibang klaseng lindol
Ang kapansin-pansin dito ay marami sa mga lindol na ito ay may kahalagahang pampolitika at kultural.
Ang unang lindol na sinasabing may importansiya nang ito ay tumama ay naganap sa Sparta noong 469-464 BC, na naganap habang ang balanse ng kapangyarihan sa pagitan ng Sparta at Athens ay nasa delikadong estado.
Nabulaga ang Sparta, na nagresulta sa pagkamatay ng 20,000 Spartans at naging sentro ng pag-aaklas sa loob at labas nito.
Ang resulta ay tinaguriang earthquake war sa pagitan ng Spartans at ng mga karatig lugar.
Ang pagtanggi ng Sparta na tanggapin ang alok na tulong ng Athens ay nagbunsod para lumala ang paglalaban sa pagitan nila.
Ang giyera na ito ay tumagal ng maraming dekada, nag-umpisa noong 431 BC, matapos sumiklab ang Peloponnesian Wars, ang 25-taong madugong giyerang sibil sa pagitan ng Sparta at ang mga kaalyado nito at ang Athens at ang mga kaalyado nito.
Kauumpisa pa lamang ng Peloponnesian War at ang ikatlong serye ng epidemya na puminsala sa Athens, ang tag-init ng 426 BC ay naghatid ng pinakamalalakas na lindol sa kasaysayan ng sinaunang panahon.
Base sa mga naitala, ito ay nagresulta ng malawakang pagguho ng mga gusali, mapapinsalang tsunamis at libo-libong mga biktima.
Bagamat ang mga epekto nito ay naramdaman lamang sa hilaga ng Athens, na malapit sa Lamia, mas malawak ang naging pinsala nito. Isang army ng Spartan na nakabase sa 100 kilometro ng kanluran ng Athens sa Isthmus ng Corinth, na naghahanda para umatake sa lungsod, ang napilitang lisanin ang kanilang mga bahay dahil sa mga bayolenteng lindol.
Nilamon ng tsunami
Samantala, ang tsunami naman ay naghatid ng delubyo hanggang sa baybayin ng hilagang Athens, kasama na ang isla na tinawag na Atalante na kung saan ang isang Athenian fort at maraming warships ay pawang mga nasira.
Base sa mga isinulat nina Diodorus Siculus (first century BC) at Strabo (first century AD), ang isla ng Atalante ay nabuo matapos ang tsunami.
Ang mataas na bilang ng mga namatay, ang malawakang pinsala at ang nai-bang baybayin ay nakapagpalala ng sitwasyon na narara-nasan ng mga Athens na apektado ng giyera at mga epidemya.
Ang Peloponnesian Wars ay pormal na nagtapos noong 404 BC, bagamat may mangilan-ngilan na mga engkwentro ang nagaganap sa pagitan ng Sparta at Athens hanggang sa malagdaan ang isang kasunduang pangkapayapaan noong 387 BC.
Ngunit pagkatapos lamang nito, isa na namang napakalakas na lindol ang tumama sa rehiyon.
Noong 373 BC, isang bayolenteng lindol na may kasamang tsunami ang sumira sa Helike at Bura, dalawang lungsod na matatagpuan sa katimugang baybayin ng Gulpo ng Corinth, 150 kilometro sa kanluran ng Athens.
Bago maganap ang trahedya sa Helike, ito ay isang papaunlad na capital ng Achaean League, isang confederation ng city states.
Ito ay kilala sa sinaunang mundo bilang sentro ng kulto para sa pagsamba kay Poseidon.
Siniguro ng Helike na hindi ito masasangkot sa mga giyerang nangyayari sa palibot nito.
Ang sitwasyon na kung saan may kapayapaang sa politika at panlipunan, gayunding ang paglago ng ekonomiya ay natapos sa panahon ng taglamig noong 373 BC.
Maraming ang nagbigay ng testimonya hinggil sa nangyari sa Helike at Bura noong gabing mangyari ang trahedya.
Ang manunulat na Griyego na si Pausanius, na bumisita sa pinangyarihan ng trahedya 500 taon makalipas ang lindol ay nagsabi na inubos ng lindol ang lahat ng gusali at mga pundasyon ng lungsod.
Ang tsunami na tumama sa lungsod matapos ang lindol ay nagresulta sa pagbaha ng buong lungsod.
Maging ang banal na shrine ni Poseidon ay lumubog na kung saan ang dulo na lamang ng mga puno makikita.
Ayon kay Pausanius, ipinadala ng mga diyos ang biglaang lindol na kumitil sa buhay ng lahat ng nakatira sa Helike.
Pagkatapos ng trahedya, ang natitirang lupa sa Helike ay pinaghati-hatiin ng mga kalapit lugar nito.
Sinakop ng Aegion ang kontrol sa Achaean League.
Naging usap-usapan na pinaruhan ni Poseidon ang Helike dahil inabuso nito ang sangtuwaryo.
Ngunit mas kapani-paniwala na ang pagiging pinakamalakas nito kumpara sa ibang city states ang naging dahilan ng pagbagsak nito.
Ang pagkawala nito sa eksenang politikal ay kapansin-pansin sa pagkawalang pisikal ng Helike, na pinaniniwalaan ng mga sinaunang manunulat na ito ay nasa ilalim na ng karagatan ng Corinthian gulf.
Ang mga naglalakbay kagaya ng Strabo at Pausanius, na naghahanap sa lungsod sa maraming isang daang taon ay nakakita lamang ng mga iilang mga lumubog na bahagi at ang kwento hinggil sa paglubog ng tansong imahe ni Poseidon na sumabit sa panghuli ng isda ng lokal na mangingisda.Pamana ng trahedya
Sinasabi naman na ang totoong naipamana ng trahedya ay ang pagsilang ng iba’t-ibang kwento hinggil sa Atlantis.
Ito ay naging daan para sabihin ni Aristotle sa kanyang teorya na ang lindol na may kasamang tsunami ay produktong pisikal ng meteorological conditions at hindi dahil sa aksyong supernatural.
Ang teoryang ito ay tinanggap sa loob ng mahigit 1,800 taon.
Nagkaroon din ito ng malaking epekto sa kasabayan ni Aristotle na si Plato, na pinanganak noong 427 BC, na kung saan siya ay nasa edad 50 ng mawala ang Helike.
Ang pagkakasira ng lungsod ng Poseidon sa loob lamang ng isang gabi dahil sa isang lindol at tsunami at ang pagkawala nito ay kapareho sa nangyaring pagkamatay ng Atlantis.
(Ed: May tanong, reaks-yon o komento ba kayo sa artikulong ito? I-text ang in-yong pangalan, edad, lugar, at mensahe sa 09154238505)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.