DADAAN man sa butas ng karayom ay may tiwala ang pamunuan ng Hapee Fresh Fighters na magiging palaban pa rin sa kampeonato sa 2015 PBA D-League Foundation Cup na magbubukas na sa Huwebes.
“Mahirap pero kakayanin. Iyan ang Hapee basketball, kahit anong pagsubok kayang lagpasan,” wika ni Hapee team manager Bernard Yang.
Nagkampeon sa Aspirants’ Cup nang walisin ang Cagayan Rising Suns sa kanilang best-of-three series, nabawasan ang matikas na manpower ng koponan dahil hindi na nila makakasama ang mga San Beda players na sina Ola Adeogun at Baser Amer dahil magsisimula na ang koponan sa paghahanda para sa NCAA season.
Maging sina Garvo Lanete at Bobby Ray Parks Jr. ay hindi rin makakasama agad ng koponan dahil hanggang anim na linggo ang pahinga ni Lanete matapos ipaopera ang kanyang MCL injury habang dalawang linggo pa bago tuluyang maghilom ang shoulder injury ni Parks.
Pero may panlaban pa rin ang tropa ni coach Ronnie Magsanoc dahil naririyan pa sina Troy Rosario, Earl Scottie Thompson, Chris Newsome at Kirk Long bukod sa paghugot kina Mark Romero, Arvie Bringas at Mar Villahermosa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.