KUNG merong mga leksyong natutunan ang taumbayan sa madugong Mamasapano incident, marahil alam na nila ngayon kung anong pag-uugali o pananaw meron si Pangulong Aquino. At ang lahat ng ito ngayon ay lumalatay sa kredibilidad ng pamahalaang Tuwid na Daan.
May mga nagsasabing deretso at walang pakialam talagang magsalita si presidente sa mga isyu dahil siya‘y lumaking “cacique” o anak mayaman. Merong nagsasabi naman na kwestyunable ang kanyang mga kilos.
Noong kasagsagan ng bagyong Yolanda , matatandaan na sinagot niya ang isang negosyanteng survivor: “Mabuti nga at buhay ka pa”. Doon sa mga Yolanda survivors na nagmartsa mula sa Tacloban hanggang Malacanang para iparating ang kanilang mga hinaing, sinabihan niyang “may pera pala sila papunta ng Maynila, nag-martsa pa.”
Hindi rin maganda ang mga sagot niya matapos ang Luneta hostage drama; maging ang katwiran niya sa di pagpunta sa burol ng napatay na transgender na si Jennifer Laude na “hindi siya dumadalaw sa burol ng hindi niya kilala”.
Pero dito sa Mamasapano, marami siyang ikinilos na ngayo’y usap-usapan pa rin ng marami, gaya nang hindi niya pagsalubong sa Fallen 44 at sa halip ay dumalo sa pagpapasinaya ng isang car manufacturing company sa Laguna.
Palaisipan din ang kanyang mga pahayag sa mga SAF widows na “tabla-tabla na tayo”, naglalaro ka ba ng “video game” pati yung pagkumpara niya sa “reinforcement” sa isang text message sa isang mall.
Pero, ang tumatak sa lahat ay ang pahayag nitong “gusto ba niyong i-finger print ang lahat ng mga nakalabang MILF para malaman ang mga nakapatay sa mga kamag-anak ninyo?”
Kapansin-pansin ang madalas niyang pagsingit sa kanyang yumaong mga magulang sa lahat halos ng kanyang mga talumpati. At ang ilang ulit na niyang pagbatikos ng harap-harapan kahit di kailangan, tulad ng ginawa niyang pagpuna sa ilang obispo sa harap mismo ni Pope Francis.
Pero dito sa Mamasapano, ilang ulit nang nagpalit-palit ang kanyang mga paliwanag kung ano ang kanyang nalalaman. Dalawang beses siyang nagsagawa ng “public Radio-TV address” na ang una’y sinisisi ang sinibak na SAF director na si Getulio Napeñas, pero ang pangalawa ay tinanggap niya ang “resignation” ng kaibigang si suspended PNP Chief Alan Purisima.
Makalipas ang ilang araw, sinabi ng pangulo sa ilang piling mga kongresista na nagsinungaling daw sa kanya si Purisima at mali raw ang natanggap niyang mga impormasyon. Kapag lumabas daw ang report ng PNP Board of Inquiry, muling magsagawa ng “public broadcast” ang pangulo para ipaliwanag ang kanyang panig.
Sa ngayon, lumalakas ang mga panawagan na bumaba na siya sa pwesto. Isang bagay na kinokontra ko naman dahil mas mabuting patapusin na lamang siya hanggang Hunyo 2016. Pero, naiintindihan ko rin naman ang pangamba ng marami.
Ilang “mismanagement” na naman kaya ang mangyayari sa susunod na 16 na buwan kung magpapatuloy ang pagiging “pikon sa mga kritiko” ng pangulo, ang kawalang malasakit sa mga biktima at mahihirap, kayabangan, paninisi sa nakaraan, at ang paiba-iba ng kwento o pagsisinungaling?
Lahat tayo ay rumerespeto sa posisyon ng pangulo lalo’t siya ang timon na ating lipunan. Pero sa ngayon, makalipas ang mga sitwasyong binanggit natin, karespe-respeto ba ang mga desisyon at ugaling kanyang ipinakita? Nagtatanong lang po.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.