Naniniwala ka ba sa faith healer? | Bandera

Naniniwala ka ba sa faith healer?

- May 12, 2012 - 03:51 PM

Ni Bella Cariaso Ika-aapat na bahagi

HINDI lang mahihirap o yung mga nasa baryo ang naniniwala sa faith healing.

Maging mga mayayaman ay sumasangguni rin sa faith healer, lalo na silang mga tinanggihan na ng mga doktor.

Lalayo pa ba tayo?  Maging si dating Pangulong Joseph Estrada ay naniniwala sa faith healer.

Si Estrada ay partikular na nagpagamot ng kanyang arthritis sa tinatawag na “miraculous fountain sa Mother Ignacia Healing Center sa Bayumbong, nang panahon na siya ay naka-hospital arrest dahil sa kasong plunder na isinampa laban sa kanya.

Nakaranas ng  osteo-arthritis sa kanyang mga tuhod si Estrada.  Bagamat sumangguni sa faith healing  center, pina-opera pa rin niya sa Hong Kong ang kanyang mga tuhod.

Noong bumisita si Estrada sa Mother Ignacia Healing Center, ang umasikaso sa kanya ay si Sister Gloria Ross, isang madre mula sa Religious of the Virgin Mary order.

Kumuha si Ross ng tubig mula sa gripo, ibinuhos sa ulo, tuhod at kamay ni Estrada at pinainom ng tubig at saka dinasalan.

Ayon kay Estrada, naibsan ang kanyang sakit sa pagbubuhos ng holy water sa kanyang tuhod habang dinaraasalan siya.

Sinasabing libo-libong tao na ang napagaling ng healing center, kasama na ang maysakit na arthritis at cancer.

Nanggagaling umano ang “miraculous water” mula sa balon na nahukay matapos ang panaginip ni Sister Gloria. Si Perla Baldeo, 42, ng Tondo, Maynila ay dalawang beses na ring sumangguni sa faith healer dahil sa kanyang skin allergy.

“Matagal na ko nagpapagamot, iba-iba,  may nararamdaman kasi ako sa balat, sabi sa akin may nangungulam daw sa akin, kabit ng asawa ko, hindi ko alam kung totoo,” sabi ni Valdez sa Bandera.

Ayon kay Baldeo, taong 2010 nang magsimula ang kanyang nararamdamang pangangati.

“Inisip ko kasi may nangungulam sa akin kasi noong time na nananahi pa ko nararamdaman ko na may dalawang beses na dumaan sa likod ko na parang mainit.

Tapos simula noong parang may gumuguhit na ganyan. Kaya sinubukan kong magpatingin sa faith healer,” anya.

Idinagdag ni Baldeo na taga-Bicol ang una niyang nakuhang faith healer.

“Yung kakilala ko na faith healer na pinatignan ko, lalake siya  taga- Bicol sabi niya kabit daw ng asawa na gustong gawan ako ng hindi maganda,” ayon pa kay Baldeo.

Inamin naman ni Baldeo na hindi niya naituloy ang pagpapagamot sa faith healer dahil sa kawalan ng pera para ibayad sa kanya.

“Ginawan niya ko ng gamot na pangontra . Hindi ko rin nakuha dahil P2,000. Bumili siya ng gamit.

May kandila na mataaas na parang sa simbahan. Tingin ko effective kaso hindi ko napagpatuloy,” ayon pa kay Baldeo.

Anya, nakapabayad siya ng P1,000 bilang paunang bayad. Umuwi ng Sorsogon ang faith healer at pagbalik, dala na ang sinasabing pangontra.

Sinabi pa ni Valdeo na 2011 nang pumunta siya ulit sa isang faith healer ngunit ito ay isang beses lamang at hindi na naulit.

“Langis lang ng niyog ang ibinigay sa akin pero wala din, nangangati pa rin ako,” ayon kay Baldeo.

Nito lang napagdesisyunan ni Baldeo na ipasuri ang nararamdaman sa doktor, at sinabihan siyang may skin allergy siya.

Matapos resetahan, at makainom ng gamot na inireseta sa kanya ay nawala ang pangangati sa balat ni Baldeo.

Isa namang reporter na nakapanayam din ng Bandera ang umamin na maging ang sariling tatay ay naniniwala rin sa faith healer.

Anya, maliit pa lamang siya ay suki na ng kanyang ama ang dalawang faith healer hanggang sa naturuan na rin siya ng ilang klase ng panggagamot kagawa ng pagtatawas at orasyon.

“Kukuha lang ang daddy ko ng tubig sa planggana na ginagamit niya sa pagtatawas. Umiinom din siya ng tubig na may orasyon,” sabi ng reporter.

Idinagdag pa ng reporter na dinadasalan din ng kanyang daddy ang kanyang mga apo kapag sumasakit ang ulo.

“Naniniwala talaga ang aking daddy sa faith healer bagamat nagsisimba rin siya linggo-linggo,” dagdag pa niya.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

(Ed:  May tanong, reaks-yon o komento ba kayo sa artikulong ito? I-text ang in-yong pangalan, edad, lugar, at mensahe sa 09154238505)


Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending