Enrique nagtapat na kay Liza: Oo, gusto kita!
PIGIL na pigil pa rin ang damdamin ni Enrique Gil para sa kanyang ka-loveteam sa number one primetime series na Forevermore na si Liza Soberano.
Pero kamakailan, naglakas-loob na rin ang binata at inamin ang tunay niyang nararamdaman para kay Liza. Ayon kay Enrique, totoong may feelings na siya sa bagong primetime princess ng ABS-CBN pero kailangan niyang maghintay pa ng tamang panahon dahil wala pa sa legal age ang dalagita.
Enrique will turn 23 on March 30, habang si Liza ay kaka-17 lang noong Jan. 4. Sa interview ng Aquino & Abunda Tonight, inamin ni Enrique (na mas kilala na ngayon bilang si Xander dahil nga sa hit series nilang Forevermore), na may “understanding” na sila ni Liza tungkol sa kanyang feelings.
Pero mabilis niyang sinabi na hindi pa siya opisyal na naliligaw sa dagalita. “Hindi pa ligaw kasi…well, ang hirap kasi i-explain, eh. Pero may understanding kami. ‘Okay, gusto kita.’ Siya naman, she understands how I feel.
Sabi niya…may usapan naman kami na alam niya na hindi pa puwede kasi 17 lang siya. Siguro pag 18 na raw siya,” paliwanag ng Kapamilya hunk leading man.
In fairness, natagpuan na rin ni Enrique ang perfect leading lady niya dahil nga sa tagumpay na tinatamasa ngayon ng Forevermore na patuloy na humahataw sa ratings game.
“Masasabi kong sa lahat ng babae dito sa showbiz, siya ‘yung pinaka ka-close ngayon. Siya ‘yung pinaka-komportable ako. Basically, we’re best friends,” sey pa ni Enrique sa nasabing panayam.
Nilinaw naman ng binata ang chika na nagseselos daw siya sa ka-love triangle nila sa serye na si Diego Loyzaga, “Ako, sa pagseselos, parang hindi naman, parang wala naman. Alam ko naman na may understanding kami.”
Samantala, patuloy na tutukan ang mas lalo pang gumagandang kuwento ng Forevermore lalo na ngayong bumalik na ang tunay na nanay ni Agnes (Liza) na ginagampanan ni Almira Muhlach.
Bukod dito, mas lalo pang magiging kaabang-abang ang love story nina Agnes at Xander ngayong unti-unti nang nabubuking ang mga itinatagong sikreto ni Xander.
Kasama pa rin siyempre sa kilig seryeng ito sina Joey Marquez, Irma Adlawan, Lilet, Zoren Legaspi, JOjo Alejar, Manong Bangky at marami pang iba. Napapanood pa rin ang Forevermore pagkatapos ng Dream Dad sa Primetime Bida ng ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.