Bungangerang misis hiniwalayan | Bandera

Bungangerang misis hiniwalayan

Susan K - February 04, 2015 - 03:00 AM

NAKIUSAP sa Bantay OCW ang maybahay ng ating OFW na nasa Dammam, Saudi Arabia na ipadeport na ang kanyang mister na nasa Brunei pati na rin ang kinakasama nito.

Apat na taon nang nagtatrabaho sa abroad ang mister niya, ngunit nitong huling dalawang taon hindi na ito umuuwi sa kanilang bahay.

Nalaman na lamang niya sa Facebook na may kinakasamang babae ang kanyang asawa, at ang babaeng ito ay may asawa na rin pala sa Pilipinas.

Sumunod na nabalitaan niya, nanganak na ang naturang babae.

Nang unang umuwi sa Pilipinas si mister upang magbakasyon, hindi pa ‘anya naibababa nito ang mga bag niya pagdating na pagdating sa kanilang bahay, may tawag na itong tinanggap.

Nang tanungin ni misis ang OFW kung sino ang tumatawag, sagot lamang ni mister, agent niya.

Paniwalang-paniwala naman si misis na agent nga ang tumatawag sa asawa. Ngunit napadalas ang tawag at kapag kakausapin na ang sinasabing “agent” ay lumalabas pa ito ng bahay para sikreto itong makausap.

Hindi rin binibitawan ni mister ang kanyang celphone at sa pagtulog ay sa ilalim ng kanyang unan ito itinatago.

Kaya kinutuban na si misis. Kinompronta na niya si mister. Hindi ito umamin sa bintang ni misis.

Ngunit natiyempuhan din niya nang minsang tumawag muli ang sinasabing “agent” at siya ang nakasagot.

Boses ng babae ang naghahanap sa kaniyang asawa at sinabi nitong siya ang asawa ng kaniyang mister sa Brunei.

Hindi man matanggap, pinilit ni misis na kausapin nang malumanay ang asawa. Wala naman ‘anya siyang magagawa na kung magwawala pa siya. Kaya’t nasabi na lamang niya na kung nagloloko ito, huwag lamang niyang idamay ang kanilang anak na nagtatapos noon sa kolehiyo.

Palibhasa’y nasukol na, umamin na rin si mister. Matagal na ‘anya silang nagsasama ng naturang OFW at may anak na nga sila sa Brunei. Ayaw na ‘anya nitong makisama kay misis dahil bungangera ang asawa. Nakiusap pa raw siya sa babaeng huwag sirain ang pamilya nila.

Masamang-masama man ang loob, inisip na lamang ni misis ang kalagayan ng anak. Hiniling niya sa asawa na ipagpatuloy na lamang ang pagpapadala ng suporta sa kanila. Nangako naman si mister na hindi niya pababayaan ang kaniyang obligasyon sa mag-ina. Pero, bandang huli nakalimot na si mister sa kanyang pangako sa kanyang legal wife.

Nakatuwang naman namin si Atty. Elvin Villanueva upang masagot ang mga katanungan ni misis nang makasama namin siya on the air sa Radyo Inquirer DZIQ 990 AM.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Tahasang sinagot ni Atty. Villanueva si misis na hindi maaaring basta lamang ipadeport ang asawa nito pati na rin ang kaniyang kinakasama. Gayong may mga employer na maaaring pagsabihan ang kanilang mga manggagawa hinggil sa kanilang responsibilidad sa pamilya, may ilan namang walang pakialam kung nagpapabaya man ang mga ito o hindi. Para sa kanila, kung wala namang nilalabag na mga kautusan at polisiya sa kanilang pagtatrabaho, mananatili pa rin ito.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending