Tulong sa mga naulila ng SAF44 | Bandera

Tulong sa mga naulila ng SAF44

Editoryal - February 02, 2015 - 05:12 PM

HINDI maitatanggi na mahalaga ang mga parangal na natatanggap sa ngayon ng tinaguriang SAF44.  Ang mga medalya, plake, promosyon at iba pang anyo ng pagbibigay-pugay at parangal ay dapat lang maibigay sa mga bagong bayani.

Nagbuwis ng buhay ang 44 miyembro ng Special Action Force habang tinutupad ang kanilang tungkulin: patay o buhay,  kailangang makuha ang Malaysian terrorist na si Zulkifli Bin Hir alias Marwan at Basit Usman.

At sa gitna ng kanilang operasyon, sinawing palad ang 44 miyembro ng SAF. Napatay silang lumalaban nang tambangan ng mga rebeldeng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Walang reinforcement na naibigay sa kanila pero hanggang sa huling hininga ay hindi tumalikod sa kanilang tungkulin.
Nilapastangan pa ang kanilang mga bangkay.

Hinubaran ng kani-kanilang mga uniporme. Kinuha ang mga baril at bala,  at pati na ang kanilang mga gamit na celphone.
Sa gitna ng pagdadalamhati ng mga naulila ng SAF44,  nagsalita ang gobyerno na sisiguraduhing makakamit ang mga benepisyo na nakalaan sa kanila tulad ng scholarship program para sa pag-aaral ng kanilang mga anak.

Nariyan din ang special financial assistance, gratuity pay at burial benefits.  Sisiguraduhin din daw ang death insurance at monthly pension para sa mga naiiwan ng SAF44.

At sa gitna ng mga parangal at benepisyong makukuha ng mga naulila na miyembro ng SAF, maraming mamamayan na nakisimpatya at nakiramay ang tumugon din sa panawagan na magbigay ng tulong pinansiyal sa mga naulilang pamilya.
Marapat lang naman na magbigay ng tulong sa mga naulila ng SAF.

Pero kailangang masiguro nating makararating ang tulong na ito, bukod pa sa inaasam na hustisya, sa tunay na mga benepisyaryo tulad ng mga asawa, anak o mga magulang na naulila.

At kamakailan ay nag-iwan naman ng mapait na panlasa ang tila nakakatwang panawagan ng gobyerno sa mamamayan – nang sabihin ni Pangulong Aquino na kung nais nilang magbigay ng tulong pinansiyal sa pamilya ng mga nasawi, ideposito na lamang ito sa account na binuksan ng DSWD sa Land Bank of the Philippines.

Mukhang hindi magandang pakinggan sa tainga ang panawagang ito dahil alam naman ng marami na pagdating sa mga donasyon marami ang kumukuwestyon sa DSWD.

Kung magbibigay din lang ng tulong na pinansiyal, bakit hindi maaaring personal na lamang itong iabot sa pamilya? Bakit kailangang padaanin pa ito sa DSWD? O kaya, bakit hindi sa PNP account na lamang?

Kailangan ding bantayan ang maaaring gawing mga fund raising campaign, na hindi naman lingid sa kaalaman ng marami ay kung minsan ay nagagamit lang din sa personal na interes.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Sawa na ang publiko sa mga gasgas at paulit-ulit na gimik na ang tanging layunin ay gamitin sa kanilang interes ang mga trahedya at biktima tulad ng SAF44.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending