SA pagsisimula ngayon ng 2015 Le Tour de Filipinas ay asahan ang maagang pagsusumigasig ng nagdedepensang kampeon na si Mark Galedo sa kanyang hangaring maging kauna-unahang siklista na matagumpay na naidepensa ang suot na titulo.
“Alam ko na hindi na ako puwedeng magpaiwan tulad noong nakaraang taon dahil tiyak na babantayan ako. Kaya kung makakaatake agad, aatake kami,” wika ni Galedo na maglalaro ngayon sa PhilCycling national team.
Ang nationals at ang 7-Eleven Road Bike Philippines ang dalawang koponan na magdadala ng laban para sa Pilipinas sa bukod-tanging karera sa bansa na may basbas ng international cycling body (UCI) at handog ng Air21 na inorganisa ng Ube Media Inc. sa pangunguna ng pangulo nitong si Donna Lina-Flavier.
Ang una sa apat na yugto ng karera ay isang Balanga-Balanga race at bagamat may ilang ahon, karamihan sa ruta ay sa patag na daanan paglalabanan.
Bago magsimula ang karera ay makulay na opening ceremony ang gagawin at tampok rito ang pag-aalay ng panalangin para sa 44 Special Action Force (SAF) troopers na nasawi noong nakaraang Linggo sa Mamasapano, Maguindanao.
Sina Bataan Governor Abet Garcia at Balanga Mayor Joet Garcia ang siyang mangunguna sa mga LGU sa seremonya para pormal na buksan ang ikaanim na edisyon ng karera na may suporta pa ng MVP Sports Foundation at Smart at binigyan ng buhay ng Godfather ng Philippine Cycling na si Air21 at PhilCycling chairman Alberto Lina.
Makasaysayan ang edisyong ito dahil hindi isa kundi apat ang mga kampeon na maglalaban-laban.
Si 2012 champion Baler Ravina ang babandera sa 7-Eleven Road Bike habang ang mga Iranians na sina Rahim Emami (2011) at Ghader Mizbani (2013) ay kasali rin dala ang mga koponan ng Pishgaman Yzad Pro Cycling Team at Tabriz Petrochemical Team.
Masasabing si Pishgaman ang paborito sa taong ito dahil makakasama ni Emami ang number one rider ng 2014 na si Mirsamad Poorseyediholakhour.
Hindi naman nangangamba si Galedo na harapin ang hamong ito lalo pa’t may mga maaasahan siyang kakampi na kaisa niya sa hangaring matagumpay na pagpapanatili sa bansa ng kampeonato sa LTDF.
“Nakikita na rin namin silang kumarera at nakakalaban na rin. Ang mahalaga rito ay masunod ang plano namin,” dagdag ni Galedo.
May 11 iba pang dayuhang koponan ang handang makigulo sa karerang may ayuda pa ng Victory Liner, San Mig Zero, Novo Nordisk Pharmaceuticals Phils. at Canon habang ang Isuzu, MAN Truck and Bus, Viking Rent-A-Car at NLEX ang mga road partners.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.