HINDI ka ba namumuhi at naiiyak din sa kasamaang laganap sa lipunan?
Ano’ng maaaring gawin? –Simbahay 2010, Taon para sa mga Pari, Pagsasabuhay, Nob. 18, 2010
TAON 2010 pa lamang, ang taon na nagdiwang ang buong bansa dahil nagkaroon ng pangulong galit sa katiwalian, ay ipinahayag na ng Katolika Romano ang pagkadismaya nito sa laganap na kasamaan sa lipunan.
Nobyembre 2010 ay di na makakilos ang mga pari dahil sila’y itinulak sa pader at wala nang matakbuhan (parang pusang nasukol, pero sukol man ay nangangalmot pa rin ang pusa, kuting man ito).
Sila’y inakusahan ng Malacañang (baka magturo’t ikaila at sisihin ang Philippine Charity Sweepstakes Office) na nabigyan ng mga Pajero, SUVs at four-wheel drive na mga sasakyan dahil sa pagsipsip at paghimod sa tiwaling si Gloria Arroyo (di pa siya napatutunayang tiwali ng anumang korte, maliban sa korte ng kuyog).
Kasaysayan na yan noong 2010 na binasa sa lahat ng simbahan, pero sa taon 2012 ay makabuluhan at tama pa rin ang puna ng mga pari, na ibinase nang umiyak si Kristo habang papalapit sa Herusalem, natanaw ang lungsod na wasak, matitigas ang ulo ng mga lider, mapagmataas at ayaw magsisi, o humingi ng paumanhin gayong alam nila na mali’t palso ang kanilang ginawa sa mahihirap at walang kalaban-laban.Mandin, wasak ang lungsod ngayon kung ang pagbabasehan ay ang magaganda’t mababangong pangako noong kampanya sa eleksyon.
Wasak ang lungsod kung pinabayaan na ang taumbayan.
Wasak ang lungsod kung di makabangon sa lusak ng kahirapan ang maralita habang walang pakialam ang namamahala kung mataas ang singil ng kuryente, bagsak ang ekonomiya at walang maipagpagamot ang mga maysakit.
Wasak ang bansa kung wala itong tinatahak na patutunguhan at igigiit pa rin ang tuwid na daan ng mga isipang baluktot.
Mapapariwara ang bansa kung matitigas nga ang ulo ng mga lider at igigiit na parati silang nasa tamang landas habang walang solusyon sa masamang pamamahala at di pakikitungo sa karaniwang obrero, tulad ng mga anluwagi ng Herusalem.
Walang patutunguhan ang pagiging mapagmataas, tulad ng nagaganap ngayon sa batuhan at buhanginan sa South China Sea.
Ang pagiging mapagmataas ay sinusuklian lamang ng mas pagiging mapagmataas dahil kailanman ay di panlaban sa malaki ang pagiging hambug ng maliit.
Hindi nagsisisi o humihingi ng paumanhin ang mga lider ngayon sa kanilang palsong gawa.
Sa Malacañang pa lamang ay iba ang sinasabi ng mga tagapagsalita kesa ipinahahayag ng pangulo.
Kung humingi man ng paumanhin, ay huli na dahil wala nang nalalabing paraan kundi ang humingi ng paumanhin, dahil sa lantarang pagtangkilik sa piniratang DVD, at marami pang iba.
Wasak na nga ang lungsod.
Kung ang Anak ng Diyos ay naiyak na lamang dahil wala siyang magawa sa makapangyarihang mga namamahala, luha na rin ang tugon ng mahihirap na mas lalong walang magagawa sa makapangyarihang mga namamahala.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.