490 homeless ‘itinago’ sa resort para di makita ni Pope Francis
MILYUN-milyon piso ang ginastos umano ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa anim na araw na pananatili sa isang sosyal na resort sa Batangas ng 100 pamilya, na naninirahan sa mga lansangan sa Maynila, noong pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas.
Ayon sa ulat ng Time Magazine, aabot sa 490 indibidwal na nakatira sa lansangan ang dinala ng DSWD sa Chateau Royal sa Batangas.
Nagsimula ang pananatili ng mga pamilya roon noong Enero 14, isang araw bago duma-ting ang Santo Papa. Napag-alaman din sa ulat na ang room rate sa nasabing resort ay mula P4,000 hanggang P22,000 kada isang gabi.
Sa text sa BANDERA, iginiit ni DSWD Sec. Dinky Soliman na dinala ang 100 pamilya sa Batangas upang bigyan ng oryentasyon sa Modified Conditional Cash Transfer, ang programa ng gobyerno sa pagtulong sa mahihirap. “At hindi para itago kay Pope Francis,” dagdag niya.
Sinabi naman ni Kabataan Rep. Terry Ridon na dapat imbestigahan ng House committee on Metro Manila Development ang pangyayari at pagpaliwanagin si Soliman.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.