Popemobile ipadadala sa Vatican | Bandera

Popemobile ipadadala sa Vatican

Ramon Tulfo - January 20, 2015 - 03:00 AM

WRONG timing naman itong si Pangulong Noy nang batikusin niya ang mga obispo ng Simbahang Katolika na sinabi niyang nagsawalang-kibo sa mga nakawan noong panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo.

Ang pagbatikos ay ginawa ni P-Noy noong pagbisita ni Pope Francis sa Malakanyang.

Bakit naman kailangan pang batikusin na naman ng Pangulo ang administrasyon ng kanyang predecessor na si GMA?

Upang sabihing malinis ang kanyang administrasyon samantalang marumi ang kay Gloria?

Sana nakita niya ang pag-ikut-ikot ng mga puwit nina Vice-President Jojo Binay at ibang miyembro ng kanyang Gabinete sa kanilang upuan nang nanawagan ang Santo Papa na iwasan na ng mga opisyal ng gobyerno ang corruption dahil ito’y pagnanakaw sa mga mahihirap.

At bakit pa kinailangan pang banggitin ng Pangulo ang paghihirap na dinanas ng kanyang pamilya noong Martial Law?

Ano naman ang kinalaman ng usaping yan sa pagdalaw ni Pope Francis sa bansa?

Di ba kaya pumunta si Pope Francis ay upang makisalamuha sa mga biktima ng Supertyphoon “Yolanda” at ng malakas na lindol sa Bohol noong 2013?

Ito ang sinabi ng Pangulo kay Pope Francis (na di ko na isasalin sa Tagalog): “I had a front view seat to that tyranny (of Marcos) and persecution (of our family). After all, the dictator wasted no time in having my father, one of the most influential and vocal opponents, imprisoned.

“Martial Law deprived our family not only of a loving husband and father. Many of our friends avoided us.”

Para nang sirang plaka itong si P-Noy. Kung hindi binabatikos si Gloria ay binabatikos si Marcos.

Bakit di niya makalimutan ang ginawang kaapihan na sinapit ng kanyang pamilya noong panahon ni Marcos at ni Gloria?

Ganoon ba talaga siya?

Alam ba ninyo kung bakit binasted siya ni Korina Sanchez nang siya’y nanliligaw pa sa tanyag na broadcaster?

Sinabi ni Korina na wala raw silang pinag-usapan kundi mga hilig ni Noynoy na topic: kotse at baril.

“Kung hindi kotse, baril. Kotse ngayong araw, halimbawa. Kinabukasan ay baril naman. Paulit-ulit ng paulit ulit,” sabi ni Korina sa isa niyang matalik na kaibigan.

Ganoon din daw ang pinag-uusapan nina Noynoy at Bernadette Sembrano, isa pang tanyag na broadcaster: Baril at kotse.

Ayayay!

Si Katherine Mina-Closa, isang guro ng high school sa Colegio San Agustin sa Makati, ang nagsabi ng sentimiyento ng karamihan sa kanyang blog.

Sinabi ni Closa: “Mr. President, the themes of our Pope’s visit are Mercy and Compassion, but it seems you have failed to remember them.

“The themes of your speech are, ‘How’s my childhood, who wronged my family, who insulted me, who ridiculed me.’ Revenge time, as always, and pure arrogance!

“You are not just disappointing, you are definitely an embarrassment!”

Kung sabagay, tama ang Pangulo sa kanyang reklamo laban sa ilang miyembro ng kaparian sa Simbahang Katolika.

Pero wala ito sa timing.

Kung singer si Presidente sa isang singing contest, binagtingan na siya ng bell dahil siya’y wala sa tono.

Inakyat sana niya muna ang kanyang reklamo sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) at kung hindi nakinig sa kanya, nagsumbong siya sa taumbayan.

Ang taumbayan, na sinasabi ni P-Noy na kanyang “boss,” ay nakaintindi sana sa kanya at binatikos ang kaparian.

Pero bakit pa siya nagsumbong sa Santo Papa na bumibisita sa kanya sa Malakanyang?

In the first place, hindi interesado ang Pope sa pulitika sa ating bansa.

Ang ginamit na popemobile ni Pope Francis sa kanyang pagbisita sa bansa ay ipadadala sa Vatican upang gamitin sa pagdalaw niya sa ibang bansa.

Tuwang-tuwa raw ang Papa sa popemobile na ipinagawa ni former Ambassador Tony Cabangon-Chua. Pinatawag niya si Cabangon-Chua, may-ari ng Gencars, dealer ng Isuzu pickup at SUV, upang pasalamatan.

“Beautiful, beautiful car,” sabi ni Pope sa dating ambassador natin sa Laos.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Ang popemobile ay gawa sa Isuzu D-Max pickup.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending