SINONG politiko kaya ang hindi makatitiis at eepal pa rin pagdating ng Santo Papa?
Hindi lang ang mga galaw ni Pope Francis ang tiyak na babantayan ng media kundi maging ang mga pulitiko na eepal sa kanya.
Sino ba naman ang ayaw na makunan ng mga kamera na kasama ang Santo Papa na mayroong 1.2 bilyong tagasunod sa buong mundo?
Alam naman natin na Katoliko pa rin ang nakararami sa ating bansa bagamat marami ang hindi sumusunod sa lahat ng turo ng Simbahan.
At maging ang gobyerno (at least ang gobyernong ito) ay hindi na sumusunod sa Simbahang Katolika kaya nga naisabatas ang Reproductive Health bill.
Abangan din natin kung merong pulitiko na maglalabas ng kanyang poster kasama ang Santo Papa.
Sa Oktubre ay maghahain na ng Certificate of Candidacy ang mga tatakbo sa 2016 elections.
At dahil magkaka-alaman na kung sino ang magkakalaban, tiyak na magsisimula na rin ang kampanya at ang batuhan ng putik (bakit hindi pa ba nagsisimula?).
Hindi naman kailangan na magsimula ang campaign period bago mangampanya. Bago tumakbo ay alam na rin ang mga magkakakampi na politiko.
Hindi ko lang alam kung sino sa mga nasa Gabinete ni Pangulong Aquino ang unang magbibitiw para makapaghain ng COC.
Marami tayong naririnig na nagla-lobby na para makasama sa senatorial lineup pero hangga’t hindi pa pinal ang listahan ay may mga pangalan pang maaaring mabura.
Baka ang marami diyan ay sa last day ng filing ng COC magbibitiw. Susulitin hanggang sa huling araw.
Bagamat hindi ito maganda, kalimitan ay nakakalimutan na ito ng mga botante kapag malapit na ang eleksyon.
At bago lumabas ang pinal na listahan, nag-aabang pa ng survey ang mga nag-iisip tumakbo.
Syempre gusto nilang tumaya sa llamado at kung maaari nga ay sa sure winner.
Sino ba naman ang gustong tumaya sa alam mong matatalo?
Naalala ko tuloy noong 2013 senatorial elections, nauna ang United Nationalist Alliance pero nang gumalaw ang administrasyon ay nagbago ang baraha.
Napunta ang ilang
inaakalang kandidato ng UNA sa kabila. At ang mga napunta sa kabila ay ang mga nanguna sa senatorial race. Ang napunta sa kanila ay ang nasa laylayan ng listahan.
Ngayon ang binabantayan ay ang rating nina Pangulong Aquino at Vice President Jejomar Binay—na matagal nang nagsabi na siya ay tatakbo sa presidential election sa susunod na taon.
Kung tuluyang makababawi ang rating ni Aquino (tumaas ang kanyang net satisfaction rating ayon sa Social Weather Station) ay maaaring magkaroon ng bigat ang kanyang basbas sa mamanuking kandidato.
Kapag si Binay naman ay mananatiling mataas, aasa ang kanyang mga kandidato na maging sapat ito upang sila ay manalo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.