Sports science seminar makakatulong sa PH athletes
MAKAKATULONG ang isinasagawang tatlong araw na sports science seminar na pinangangasiwaan nina foreign speakers Terence Rowles at Dr. Scott Lynn para magkaroon ng magandang kondisyon ang pambansang atleta na ilalaban sa Singapore Southeast Asian Games.
Sa Hunyo 5 hanggang 16 gagawin ang kompetisyon at kahit ilang buwan na lamang ito ay kumbinsido si Philippine Sports Commission (PSC) chairman Ricardo Garcia na may mapupulot ang mga national coaches sa ibabahagi ng dalawang dayuhang mananalita para sa kanilang mga atleta.
“Sa tingin ko ay sa loob ng apat na buwan ay makukuha ng pambansang atleta ang magandang kondisyon kung susundin nila ang mga itinuturo rito. Naipakita ni Manny Pacquiao na sa loob ng three months lang ay kayang-kaya niyang maikondisyon ang sarili lalo na kung sa tamang pamamaraan ito gagawin at ito ang itinuturo nina Rowles at Scott,” wika ni Garcia sa pulong pambalitaan kahapon.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na nagbalik sa bansa si Rowles para magsagawa ng seminar. Pero bago ito ay nagtulong sina Rowles at Lynn na kilatisin ang halos 200 atleta na maglalaro sa SEA Games sa pamamagitan ng fitness test.
Ang mga atletang dumalo ay sa larangan ng athletics, billiards, cycling, canoe-kayak, dragon boat, judo, rowing, taekwondo, wrestling at wushu at binanggit ni Rowles na ang iba ay maganda ang kondisyon habang ang iba, kahit wala sa kondisyon, ay nakitaan ng magandang skills.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.