Purisima wala nang babalikan | Bandera

Purisima wala nang babalikan

Jake Maderazo - December 15, 2014 - 03:00 AM

USAP-usapan ngayon sa PNP at AFP ang anim na buwang suspensyong ipinataw ng Ombudsman kay PNP Chief Alan Purisima.
Ang order ay matatapos sa June 2015, pero Marso pa lang nang darating na taon ay magreretiro na siya.  Isang patunay na wala na talaga siyang babalikan sa PNP.

At sa kanyang paghirit ng TRO, giit niya hindi raw siya sakop ni Interior Secretary Mar Roxas at National Police Commission (Napolcom) lang daw ang may hurisdiksyon sa kanilang mga pulis. Ang siste, ang pinuno ng DILG ang siya ring Chairman ng Napolcom.

Bakit ba ito nangyari kay Purisima na sinasabing sobra ang lakas at personal na malapit kay PNoy? Inilaglag na ba siya ni PNoy? Sa totoo lang, kung pagkakaibigan ang pag-uusapan, sobra-sobra ang ginawa ni PNoy kay Purisima.

Naalala niyo ba ang nangyari kay dating PNP Chief Nick Bartolome na Marso 2013 pa dapat magretiro, pero inilagay siya ni PNoy sa “no duty status” November 2012 para maipwesto lang si Purisima? Isang patunay na bagyong-bagyo siya kay PNoy noon.

Nakarma yata si Purisima. Gaya kay Bartolome, buwan pa sana ang bibilangin bago ang retirement, tinanggal na sa pwesto si Purisima. Malamang nakangisi ngayon si Bartolome.

Ibang klase naman talaga ang mga iskandalong ibinigay nitong si Purisima kay PNoy.  Bukod sa kuwestyunableng yaman, ang kontrobersyal at tusong Werfast courier contract ng PNP ang naging basehan ng suspensyon laban sa hepe ng PNP.

Sinasabi na ang Werfast ay isang kumpanya na ang ilan sa may-ari ay dating mga pulis at malapit na kaibigan ni Purisima.  Ang kontrata ay para sa pagdedeliber ng lisensiya ng baril.
Kaya naman yanig ngayon ang PNP at AFP lalo nga’t open secret na maraming mga kasalukuyang opisyal ang inilapit ni Purisima kay PNoy.

Hanggang ngayon nananatili pa rin si Purisima sa kontrobersyal na PNP White House habang nasa Court of Appeals ang kanyang petisyon para sa TRO.

Ang problema, ayon naman kay Sen. Miriam Santiago, kung may delicadeza itong si Purisima, dapat ay umalis siya sa White House para hindi maapektuhan ang ginagawang imbestigasyon. Kaya nga siya sinuspindi ay para hindi siya manakot sa mga magrereklamo at mag-iimbestiga sa kanyang pinasok na anomalya. At kung nasa White House siya na nasa loob ng Crame, ay pwede pa niyang pakialaman ito.

Hindi ba’t nakakahiya naman talaga kung nandon pa si Purisima  sa White House gayong suspendido na siya at malapit na rin namang magretiro?

May itinalagang OIC sa PNP, pero ang inaasahan siguro nitong si Purisima ay maghirang si PNoy ng kakampi o kaibigan niya bilang bagong hepe ng PNP para nga naman mabigyan siya ng “graceful exit”.  Bagay na hindi naman mangyayari, dahil ibinigay na ni PNoy kay Mar Roxas ang buong poder sa pagpili ng kapalit niya.

At dahil noon pa man ay dinidedma na niya si Roxas dahil dumidiretso nga siya kay PNoy, malamang pikon na pikon na sa kanya ito.  Nakahanap na ito ng tiyempo para tuluyan na siyang sibakin sa pwesto.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Ngayon, santambak na mga kaso na ang haharapin nitong si Purisima tulad ng plunder, graft and corruption, at unexplained wealth. Wala nang “pabaon”. Imposible na ang “graceful exit”.  At ang masakit, baka rehas na bakal ang kanyang hihimasin sa dulo ng mga kasong ito.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending