Marion Aunor tanggap ng masa kahit sosyal ang image
Napakalaki na ng ipinagbago ng galaw sa stage ng tinanghal na New Female Recording Artist of The Year ng Star Awards For Music na si Marion Aunor.
May kredibilidad kaming magkumpara dahil nasubaybayan namin ang singing career ng anak ni Maribel Aunor, nasaksihan namin ang mga unang araw ng performance ni Marion, malayung-malayo ‘yun sa ipinakikita niyang galaw ngayon sa entablado.
Walang kuwestiyon ang boses ng magandang dalaga, mahusay siyang kumanta, meron siyang pagmamanahan dahil mula sa kanyang lola (si Mamay Belen Aunor, ang nagturong kumanta at sumubaybay sa singing career ng Superstar) hanggang sa kanyang ina ay nasa ugat talaga nila ang pagmamahal sa musika.
Pero ang pagkanta ay hindi sapat, kailangang hawak din niya ang audience, isang katangiang ngayon ay hawak na ni Marion nang mapanood namin siya bilang guest sa matagumpay na concert ng “OPM Hitmen” (Richard Reynoso, Renz Verano, Rannie Raymundo at Chad Borja) sa Zirkoh-Tomas Morato nu’ng nakaraang Huwebes nang gabi.
Buhay na buhay ang kanyang galaw, nakapagbuo na siya ng rapport sa manonood, kahit pa sabihing sosyal ang kanyang imahe.
Sanay na sanay na sa entablado si Marion, puwede na niyang sabihing may nangyayari sa kanyang career, at puwedeng-puwede na siyang maipagmalaki ng kanyang dakilang nanay na sumikat nang matindi nu’ng dekada ’80.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.