Mariel kay Robin: Marespeto siya sa lahat ng tao, kaya magaling talaga siyang lider!
Magaling magdala ng relasyon si Mariel Rodriguez. Cool na cool lang siya, matindi siyang magmahal, pero binabalanse ng magandang TV host ang kanyang emosyon.
Maganda ang takbo ng kanilang relasyon ni Robin Padilla, ramdam na ramdam ang kanilang pagbibigayan, matindi ang kanilang respetuhan.
“Alam ko naman po na walang relasyon na okey all the time. Hindi totoo ‘yung sinasabi nila na marriage made in heaven. Laging may maliliit na problema pa ring pagtatalunan ang mag-asawa.
“Sa amin ni Robin, wala kaming major problems, puro minor lang, pero kahit hindi naman malaki ang problema, ayaw pa rin naming meron. So, pinag-uusapan namin ‘yun, nagbibigayan kami ng suggestion.
“Maya-maya lang, tapos na ang problema. Maayos na kami, si Robin pa? Marunong siyang makinig, marespeto siya sa opinyon ng ibang tao, kaya nga he is a good leader,” papuri ni Mariel sa kanyang mister.
Kahit ang pamilya ni Robin ay saludo sa ipinararamdam na pagmamahal ng TV host sa kanyang mister, lalo na si Mommy Eva Cariño Padilla, na kapag minahal mo ang kanyang anak ay mas kaya kang mahalin pabalik.
Walang-walang problema si Mariel sa pamilya ni Robin, lahat ay kaya niyang pakisamahan, ang maayos nilang relasyon ni Robin ay masasalamin sa pagtatrabaho nila nang magkasama sa Talentadong Pinoy ng TV5.
Napakagandang pareha.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.