NAUNSIYAMI ang hangarin ni Nesthy Petecio na bigyan ng gintong medalya ang Pilipinas sa 2014 AIBA World Women Boxing Championships matapos matalo kay Zinaida Dobrynina ng Russia sa dikitang majority decision pagkatalo sa pagtatapos ng aksyon na ginanap sa Halla Gymnasium sa Jeju Island, South Korea kahapon.
Ang hurado mula sa Chinese Taipei ang naggawad ng 38-38 tablang iskor pero ang mga hurado mula Algeria at Estados Unidos ay nagbigay ng panalo kay Dobrynina sa magkatulad na 39-37 iskor tungo sa pilak na medalya kay Petecio sa featherweight division.
Bago ito ay pinahanga ng tubong Davao del Sur ang mga miron nang patalsikin ang nagdedepensang kampeon sa 57-kilogram division na si Tiara Brown sa semifinals gamit ang 40-36, 39-38, 39-38 unanimous decision panalo.
Si Brown na siya ring number one ranked lady boxer sa dibisyon sa bagong labas na rankings ng international boxing body na AIBA ay hindi nakatugon sa mga hooks na pinakawalan ni Petecio sa katawan at ulo ng katunggali na mas malaki sa kanya.
Ang iba pang ipinanlaban ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) na sina dating world champion sa light flyweight Josie Gabuco at flyweight Iris Magno ay hindi sinuwerte sa kanilang laban at walang maiuuwing medalya.
Hindi naman masasayang ang paghihirap ni Petecio dahil may kaakibat na insentibo ito mula sa pamunuan ng ABAP sa pangunguna ng pangulong si Ricky Vargas at chairman Manny V. Pangilinan bukod pa sa gantimpalang ibibigay ng Philippine Sports Commission.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.