Purefoods, Barako Bull asinta ang ikatlong sunod na panalo
Mga Laro Ngayon
(Biñan, Laguna)
3 p.m. Talk ‘N Text vs Barako Bull
5:15 p.m. Meralco vs Purefoods Star
IKATLONG sunod na panalo ang aasintahin ng defending champion Purefoods Star at Barako Bul kontra magkahiwalay na kalaban sa PBA Philippine Cup sa Alonte Sports Center sa Biñan, Laguna.
Makakatunggali ng Hotshots ang Meralco sa ganap na alas-5:15 ng hapon matapos ang duwelo ng Energy at Talk ‘N Text sa ganap na alas-3 ng hapon.
Matapos ang malamyang simula bunga ng pagkakaroon ng injuries ng key players, ang Puerefoods Star ay nagposte ng back-to-back na panalo kontra NLEX (92-76) at Blackwater (90-82).
Nabawi na ng two-time Most Valuable Player na si James Yap at Asian Gamer na si Marc Pingris ang dati nilang porma matapos magmintis ng ilang games. Sila ay sinusuportahan nina Peter June Simon, Mark Barroca at Joe Devance.
Ang Hotshots ay may 3-3 record samantalang ang Bolts ay may 4-3 kartada.
Delikado namang kalaban ang Meralco matapos mapatid ng Bolts ang three-game losing skid sa pamamagitan ng 109-99 panalo kontra Barangay Ginebra noong Biyernes sa Antipolo City.
Nagbida para sa Meralco sina Gary David, Jared Dillinger, Cliff Hodge at Mark Macapagal.
Ang Barako Bull, na ngayon ay hawak ni coach Koy Banal, ay natalo sa una nitong limang laro bago nagsimulang magwagi. Una’y binigo nito ang expansion team Kia Sorento (87-71) at pagkatapos ay isinunod ang nangungunang Alaska Milk (95-78).
Sa kabilang dako, ang Talk ‘N Text ay galing sa 105-97 pagkatalo sa Globalport at bumagsak sa 4-3 kartada.
Samantala, naungusan ng Alaska ang Globalport, 87-84, sa kanilang PBA out-of-town game kahapon sa Xavier University Gym sa Cagayan de Oro City.
Bunga ng panalo umangat ang Aces sa 7-1 karta habang nalaglag ang Batang Pier sa 4-4 record.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.