Ejay bubuhayin ang alaala ng Yolanda victims
Bibigyang-pugay ng top-rating drama anthology ng ABS-CBN na Maalaala Mo Kaya ang likas na kabutihang loob ng mga Pilipino sa pamamagitan ng nakaaantig na kwento ng isang preso sa Tacloban na nagngangalang Jomar (gagampanan ni Ejay Falcon), na ginawa ang lahat para sa kanyang pamilya at kapwa nang manalasa sa kanilang probinsya ang super bagyong si Yolanda.
Noong mawasak ang isa sa mga gate ng kulungan dahil sa bagyo, agad na inalala ni Jomar ang kaligtadan ng kanyang mga kaanak. Kung kaya’t walang ano-ano ay gumawa siya ng paraan upang hanapin at iligtas ang mga ito.
Ngunit sa kasamaang palad, kabilang sa mga naging biktima ng bagyo ang ina at tatlong kapatid ni Jomar. Sa kabila ng kanyang pagluluksa, nangibabaw kay Jomar ang pagmamahal sa kanyang pamilya.
Muli niyang binuo ang kanilang bahay at gumawa ng paraan upang mabigyan ng disenteng libing ang kanyang ina at mga kapatid.
At dahil na rin sa likas na kabutihang loob, hindi nagawang abusuhin ni Jomar ang nagkataong kalayaang natamasa niya dahil sa trahedya.
Matapos mailibing ang kanyang pamilya, ginawa pa rin ni Jomar ang nararapat—ang sumuko at bumalik sa kulungan.
Bahagi rin ng special MMK episode na ito na isang alay na rin sa mga Yolanda survivors makaraan ang isang taon, sina JB Agustin, Sharmaine Arnaiz, Lito Pimentel, Art Acuña, Boom Labrusca, Erin Ocampo, Casey da Silva, Veyda Inoval, Patricia Coma, Angelou Adlao Alayao, Jhiz Deocareza, Sofia Millares, Althea Guanzon, Nico Antonio, Roy Requejo, Gerard Acao at Michael Roy Jornales.
Ito’y sa direksyon ni Garry Fernando, sa panulat nina Joan Habana at Arah Jell Badayos. Ang MMK ay pinamumunuan ng business unit head nito na si Malou Santos at creative manager na si Mel Mendoza-Del Rosario.
Sa loob ng 23 taon, bahagi na ng bawat pamilyang Pilipino saan man sa mundo ang MMK na bawat Sabado ay nagpapaluha, nagpapangiti, at nagbibigay-inspirasyon sa TV viewers sa pamamagitan ng mga totoong kwentong buhay na ibinabahagi ng letter-senders ng programa.
Huwag palampasin ang longest-running drama anthology sa Asya, MMK, tuwing Sabado, 7:15 p.m. pagkatapos ng Home Sweetie Home sa ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.