IWA MOTO mahilig sa lalaking may anak na | Bandera

IWA MOTO mahilig sa lalaking may anak na

|March 30,2012
facebook
share this

IWA MOTO mahilig sa lalaking may anak na

- March 30, 2012 - 02:47 PM

‘Mahal na mahal ko si Leandro Muñoz!’

ILANG buwan pa lang si Iwa Moto sa TV5 pero kaliwa’t kanan na ang guestings niya kaya abut-abot ang pasasalamat ng aktres sa bago niyang manager na si Omar Sortijas.

Aminado si Iwa na kung may offer sa kanya noon ang GMA 7 ay baka hindi siya umalis, pero hanggang sa natapos daw kasi ang kontrata niya noong March 12, 2012 ay walang maipangako sa kanya ang Kapuso network kaya napilitan na siyang umalis.

Walong buwan daw hindi naging visible si Iwa sa telebisyon at noong Nobyembre lang daw siya napanood na sa TV5.

Nagustuhan ang guesting niya sa Wil Time Bigtime ni Willie Revillame at gusto na siyang maging regular guest pero hindi siya makapag-commit dahil nga may kontrata pa siya noon sa GMA at ayaw naman daw niyang mademanda.

“Tinapos ko po ‘yung kontrata ko sa GMA, malaya na ako,” natawang sabi ni Iwa ng makatsikahan namin siya sa Music Box comedy bar noong Miyerkules ng gabi.

Tinanong namin siya ng diretso kung tinapos na rin niya ang relasyon niya sa mga taga-GMA tulad ng pagtatapos ng kontrata niya?

“Wala na pong communication kami, walang galit or anything, hindi rin naman sila kumokontak,” pagtatapat ni Iwa.

As of now ay regular guest siya sa Wil Time, Bigtime, “Hindi pa kasi kami nakapag-meeting ulit kung doon na ako.

Ang umeere pong show ko ay ‘yung Felina, pero ipapalabas pa lang po ako, magiging kontrabida ako ni Arci (Muñoz), in the end, may twist din.

“Hanggang matapos po ang Felina, kasama ako, hindi ako made-dead! For a change, ito lang yata ‘yung soap na gagawin ko na hindi ako mamamatay,” tawa nang tawang kuwento ni Iwa.

Halos lahat daw kasi ng ginawa niyang soap sa GMA ay namatay siya pero markado naman daw ang role niya lalo na sa Magdusa Ka kasama ang bestfriend niyang si Katrina Halili na tatlong buwan nang buntis ngayon sa boyfriend nitong si Kris Lawrence.

Guest din daw si Iwa sa Pidol’s Wonderland sa loob ng isang buwan, “Nakakatuwa nga po kasi ‘yung trust na ibinibigay sa akin ng TV5, kasi siyempre maraming nangyari sa past ko na lahat ng tao alam.

“Natutuwa ako kasi hindi naapektuhan ‘yung pagtatrabaho ko sa kanila, artista ang tingin sa akin hindi kung ano.

Hindi personal life ko ang iniisip nila, alam nila kung paano ako magtrabaho,” kuwento ng aktres.

Kadalasan kasi kapag pasaway ang isang artista ay nahihirapan na itong makakuha ng projects kasi nga may pagkakaisa ang production people sa ganitong aspeto.

At napag-usapan din lang ang personal life ay tinanong namin si Iwa tungkol sa boyfriend niyang si Leandro Muñoz, inamin niyang mahal na mahal niya ang aktor, pero hindi pa siya handang magpakasal halimbawang yayain siya nito dahil gusto muna niyang kilalanin ng husto si Leandro at, two years pa po ang hihintayin ko bago ako magpakasal.”

Sabi namin parang nahihilig si Iwa sa mga single dad dahil pangatlo na pala si Leandro, non-showbiz ang una at si Mickey Ablan naman ang pangalawa. Pare-pareho rin daw na may tattoo ang mga ito.

“Ha-haha! Nagkakataon lang po. Siguro dahil wala akong father, I grew up without a dad, siguro naghahanap ako ng someone alam kong magiging good father if ever,” katwiran ni Iwa.

Hindi rin itinanggi sa amin ni Iwa na nag live-in sila noon ni Mickey ng halos limang taon at wala naman daw siyang pinagsisihan dito.

Sa Abril 26 naman daw darating uli sa Pilipinas si Leandro at pag-uwi daw nito uli sa Amerika sa Mayo ay isasama raw siya para ipakilala sa mga magulang nito though nakilala na niya ang mommy ng aktor na kasalukuyang naririto sa bansa.

Samantala, sobrang flattered si Iwa dahil siya lang ang Pinay na nakapasok para lumaban sa FHM sexiest woman for 2012 worldwide na gaganapin sa UK (kahapon natapos ang botohan) pero hindi raw siya umaasang mananalo rito.

“Being nominated po is sobrang okay na, at hindi naman po ako nag-e-expect kasi paano ko naman lalabanan sina Avril Lavigne, Katy Perry, Megan Fox at marami pa.

Nakakatense na, kasi the fact na kasali ako, nakakatuwa!” masayang sabi ng aktres.

Limang taon na sa FHM si Iwa at tatlong beses siyang naging cover girl pero never na naging number one tulad nina Katrina Halili, Marian Rivera, Cristine Reyes, Angel Locsin at Sam Pinto.

Kaya ang tanong, ano ang pakiramdam na tinalo niyang lahat ang mga ito sa sexiest woman for 2012 worldwide.

“Ngee!” Tinalo talaga?  I don’t know po talaga, wala akong alam,” natarantang sagot ni Iwa.

“Nagulat lang ako kasi sinabi lang sa akin din. I’m sure naman lahat ng babae sa FHM, lahat ng nag -number one o hindi, lahat sila, they’re sexy in their own way, kanya-kanya kaming forte,” bawing paliwanag ulit ni Iwa.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Samantala, hindi lang sa FHM magpo-pose si Iwa, may bagong men’s magazine rin na kumuha sa kanya para mag-cover, sa June naman ay lalabas siya sa Playboy magazine.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending