“IKULONG si Vice President Jejomar Binay bago mag 2016 elections.”
Eto ang lumilitaw na direksyong tinatahak ngayon nina Senador Antonio Trillanes, Alan Peter Cayetano at Koko Pimentel ng Senate blue ribbon sub-committee, at maging ng kampo nina Liberal Party Rep. Egay Erice.
Pati ang DOJ, NBI at Ombudsman ay magsasagawa na rin ng imbestigasyon sa “corruption” sa Makati sa buong pamilya Binay.
Hindi malayong makulong si VP Binay kung seseryosohin ito ng Aquino administration. Nagawa na nila ito kina Senador Juan Ponce Enrile, Bong Revilla at Jinggoy Estrada na nahaharap ngayon sa kasong plunder.
Ang kaibahan lang dito, sa kabila ng mga imbestigasyon, nangunguna pa rin sa Pulse Asia at SWS survey ang tinatarget nilang pabagsakin.
Pero, tandaan din natin na ang mga kasalanang ibinabato kay VP Binay ay sakop ng mga taong 2001 hanggang 2010 na noon ay pilit siyang pinabababa ni DILG Sec Ronnie Puno. Noong 2010 polls, naglabasan din ang mga isyung ito na dinagdagan pa ng last minute black propaganda sa mga na-ging “chicks” ni Binay.
Isipin natin: Sino ba ang makikinabang kapag napakulong si Binay bago mag-eleksyon?
Una, ang “sentimental presidential choice” na si Mar Roxas na bagamat malayo sa mga September 2014 surveys (Number 2 sa Pulse Asia-13% at Number 6 sa Laylo Research-7%) ay pinaniniwalaang posible pa ring manalo bilang “minority president” sa 2016.
Ikalawa, ang partido Liberal dahil kung wala na si Binay sa 2016, magkakaroon sila ng karagdagang anim na taon para ituloy ang kanilang mga “plano” sa gobyerno, gaya ng mga bagong “pork barrel” o “lump sums” na iiwas nila sa nadeklarang “unconstitutional” na PDAF at DAP. Kasama na makikinabang diyan ay sina Budget Sec. Butch Abad, Finance Sec. Cesar Purisima naman, dahil maiiiwas na sila sa kaso at pagkakakulong dahil sa paglustay ng bilyun-bilyong pisong pondo ng bayan.
Ikatlo: Ang mga matatakaw na senador at kongresista na nakinabang sa bilyun-bilyong pisong DAP, PDAF at Malampaya funds na hindi na rin maiimbestigahan at mapaparusahan dahil kakampi ang susunod na uupo sa gobyerno.
At ikaapat na makikinabang dito, ay ang grupo ni dating Makati Vice Mayor at ngayo’y whistleblower na si Ernesto Mercado na umaasang kapag nakulong si Binay sila naman ang maghahari sa higit P12-B na taunang budget ng Makati.
vvv
Labing-apat na buwan na lang o sa December 2015 ang deadline ng filing ng certificates of candidacy sa Comelec ng mga seryosong presidential candidates.
May natitira pang limang quarterly presidential surveys na gagawin ang Pluse Asia at SWS para malaman kung babagsak ang “ratings” ni VP Binay.
Pero sa mga numerong lumabas nitong mga huling survey, sa panahon na mainit ang pagbatikos kay Binay, parehong 36 percent pa rin ang boboto sa kanya kung mag-eeleksyon ngayon sa pagkapangulo.
Marami sa mga na-survey ang naniniwala na “pulitika” lang ito at inis ang masa sa mga pagtatanong nina Trillanes at Cayetano.
Kung matagal ang pagtalab ng mga kontrobersyang ibinulgar laban kay Binay kailangan talagang magmadali at magpasabog pa nang husto ang mga kalaban ng bise president.
At kasabihan nga ng mga Amerikano, “Desperadong panahon, kaila-ngan ng desperadong aksyon”.
Ibig sabihin, sa halip na ipahiya lamang at pabagsakin sa survey ang unang plano, ang pagpapakulong kay Binay ang natitirang pagasa ng Liberal Party para mapigilan ang napipintong panalo nito sa 2016.
At kung makulong nga si Binay, mapunta naman kaya kay Roxas ang mga boto ng masang Pilipino sa halalan sa 2016?
Ang masasabi ko lang, hindi bulag, pipi o bingi sa mga nangyayaring ito ang sambayanang Pilipino. Alam nila ang mga tunay intensyon ng mga taong nagluluto at mga taong sumasawsaw dito.
Editor: Para sa reaksyon at tanong, i-text ang PIKON, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.