Galit na galit sa mga guard ng ABS-CBN
Speaking of Ai Ai delas Alas, tinanong namin ang tungkol sa sama rin dw ng loob niya sa ABS-CBN security guards na tatlong linggo na ang nakararaan ay nakaaway niya dahil sa hindi niya maintindihang rules and regulations.
Ang matinding katwiran ni Ms A, “Hindi na nga ako madalas tumuntong doon dahil nai-stress ako, ang daming hinahanap, ID, pag wala kaming ID, hindi na kami makapasok, kailangan pa namin ng marshall.
“Second, gusto nila doon din kami papasok sa may Starbucks kung saan daanan din ng napakaraming tao at bago kami makarating sa pupuntahan namin, pagod na kami, pawis-pawis na.
“Hindi naman sa ano, hindi ba dapat may privacy kami? Kaya kami doon dumadaan sa may likod (main gate) kasi mga empleyado lang dumaraan doon,” katwiran ng Comedy Queen.
Ang sinasabi ni Ai Ai sana raw ay payagan na ng ABS ang sasakyan ng mga artista na sa main gate pumarada at ibaba na lang sila sa main entrance ng old building ng ABS-CBN at doon din sila susunduin pag pauwi, na dati namang ganu’n ang patakaran, pero naiba na nga at pinaglalakad na raw ang mga artista sa mahabang hallway ng building na daanan din ng maraming tao at may mga tiangge pa.
“Noong araw na ‘yun (araw na nakipag-away siya), nakababa pa ako, noong susunduin na ako, ayaw na, kasi bawal na raw. Ang nakakairita, nakikita ko na ‘yung sasakyan ko, ilang dipa lang tapos ayaw papasukin?
“At na-highblood talaga ako, mga unit heads pa mismo ang nakikiusap sa mga guard, di ba, parang may problema sa amin? Bakit kailangang makiusap ng unit heads sa mga guard? Mas powerful ba ang guards kaysa sa artista at unit heads?”
“Bakit kayo (guards) mas powerful? Okay, sabi nila, rules, sumusunod naman ako, sana lang maging consistent din sila sa iba. Kasi hindi naman nila ‘yan magagawa ‘yan sa iba (artistang mas malaki sa kanya).
“Feeling ko nagpa-power trip ang guards at doon ako nagagalit. Naglakad nga noon at nakita ko, mga nakangisi sila, siguro inisip nila, ‘o di naglakad ka rin’. Parang feeling ko, wala kaming pakialam kung si Ai Ai, maglakad ka dito kasi gusto namin.
“Nagtatrabaho ako sa istasyon na ito, hindi ako magnanakaw, hindi ako nanggugulo, artista ako sa istasyon na ito at empleyado ninyo ako, konting konsiderasyon lang naman.
“Talagang nagalit ako at sa galit ko, ilalagay ko sa will ko, di ba ang mga artistang namamatay na taga-ABS, pinapasok doon, lalagay ko na, huwag na huwag ninyong ipapasok ang bangkay ko sa ABS-CBN, hindi ninyo mapapakinabangan kahit bangkay na, ganu’n kasi galit ako talaga!” seryosong sabi ni Ai Ai.
At dahil sa pangyayaring ito ay hindi sinipot ni Ai Ai ang promo ng Wako-Wako sa ASAP 2012 at mabuti na lang daw at sa labas ang taping ng sitcom nila dahil kung sa loob daw ng ABS-CBN ay tiyak na malaking problema ito.
Dahil sa nangyaring ito ay nag-sorry daw ang head of security sa kanya at pinadalhan pa siya ng bulaklak, pero hindi pa rin nawawala ang inis, galit at sama ng loob ni Ms A sa kanila.
As of now daw, “Hindi pa rin ako tutuntong sa ABS,” nakangusong sabi sa amin ng komedyana.
Sa totoo lang, ang ganda-ganda ng mood ni Ms A nu’ng gabi pero nasira dahil naalala ang tungkol sa security ng ABS-CBN na hindi raw makatarungan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.