ITINAAS ng mga lider ng Bagobo tribe ang dalawang kamay ni Vice President Jojo Binay kamakailan bilang pagkilala na siya’y lider ng 14,000 miyembro ng mga tribung Bagobo at Tagabawa sa Cotabato.
Ang parangal na binigay sa Bise Presidente ay kaugnay ng 60th founding anniversary ng bayan ng Makilala.
Yung mga katutubo ay maaaring hindi nagbabasa ng diyaryo o nanonood ng balita sa telebisyon.
Maaaring hindi nila alam na pinuputakte si Binay ng mga batikos tungkol sa diumano’y pagnanakaw sa kaban ng bayan noong siya’y mayor pa ng Makati.
Kung alam nila baka hindi nila inimbita ang Bise Presidente.
Sino naman ang magkakagusto na gawing lider ang isang tao na pinagbibintangan na malakihang pandarambong o plunder?
Dahil karamihan sa
ating mga botante ay ignorante o hindi marunong magbasa, iboboto nila si Binay sa 2016 presidential elections.
Basta mabigyan sila ng pera sa araw ng eleksiyon, iboboto nila ang kandidato.
Si Binay ay kayang-kayang gumastos ng bilyun-bilyong piso sa 2016.
Alam na natin kung saan galing ang pera.
Sa Makati City, ang premier city ng bansa, mas maraming ignoranteng botante kesa mga may pinag-aralan.
Dahil lang binibigyan ang mga senior citizens ng cake sa kanilang birthday at P1,000 tuwing Pasko, at may regalong grocery at bigas para sa mahihirap tuwing Pasko, pinananatili nila ang mga Binay sa puwesto sa matagal nang panahon.
Ang hindi alam ng mga mahihirap at ignoranteng botante ng Makati ay sa kanila rin ninanakaw ng mga Binay ang mga ibinibigay sa kanila!
Mababaw ang kanilang kaligayahan.
Ganoon din ang mga botante sa buong bansa.
Sa ngayon, walang malakas na kalaban si Binay sa pagka-presidente.
Siya pa rin ang pinakamataas sa survey ng mga possible presidential candidates kahit na nabisto na ang “tongpats” sa pagpapatayo ng Makati City Hall Building II, ang balita na pagtanggap ng mga Binay ng kickback sa mga contractors, at ang pagbisto ng 350-hectare farm ng mga Binay sa Batangas.
Mahina ang “manok” ni Pangulong Noy na si Interior Secretary Mar Roxas kumpara kay Binay dahil wala siyang “connect” sa masa.
Ang kandidato na makakatalo lang kay Binay ay si Davao City Mayor Rody Duterte na mahal ng masa gaya ni Binay.
Malakas si Duterte sa Visayas at Mindanao dahil halos lahat ng Visayas at Mindanao ay mga Pinoy na nagsasalita ng Cebuano.
Ang Cebuano ang pinakamaraming tao sa bansa; pangalawa lang ang mga Ilocano.
Ang Cebuano ay solid kay Duterte kung siya’y tatakbo.
Ang kaso lang ay ayaw naman ni Duterte na tumakbo.
Sinabi ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado sa panayam sa INQUIRER, sister publication ng Bandera, na malaking halaga na suhol ng mga contractors ang dumarating sa bahay ng mga Binay sa Caong St., Barangay San Antonio noong si Jojo ay Makati mayor pa.
Ang limpak-limpak na pera ay nakalagay sa mga duffel bags at tinatanggap ng mga anak ni Mayor Jojo Binay, ani Mercado.
Ang mga bags ay nilagyan ng kandado matapos madiskubre na isa sa mga anak na babae ni Jojo ang nangungupit ng pera sa bags.
Hindi binanggit ni Mercado kung sino sa dalawang anak na babae—si Senator Nancy o Congresswoman Abigail ba—ang nangungupit.
Por Dios, por santo, sila-sila ay nagnanakawan!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.