Noong isang linggo ay nakatanggap ako ng text mula kay Fely Villamor ng Dumaguete City. Tinanong niya kung paano magluto ng adobo. Fely, marami at iba’t ibang klase at paraan ng pagluto ng adobo.
Kung sinusubaybayan mo ang Bandehado, nabahagi ko na ang mga resipi ng adobong pula, adobong dilaw at CCPA o ang classic chicken pork adobo.
Napakapalad mo, Fely, dahil ang resipi ko sa linggong ito ay ang Adobo Blanco na kilala din bilang adobong puti.
Ang resiping ito ay binahagi sa akin ng aking kaibigan na si Atty. Arnel Jose S. Bañas, isang abogado at soltero na bihasang bihasa na magluto ng pagkain para sa isa o dalawang katao.
Adobo Blanco
1.5 kg ng pitso na manok (fillet o hiniwa at walang balat)
2 tasa ng Mama Sita Cane Vinegar o suka na galing sa tubo
3 ulo ng bawang na binalatan at dinikdik
1 lata ng gata ng niyog o coconut milk
1 tetrapack ng coconut cream (kakang gata)
2 dahon ng laurel
Limang siling pansigang na hinati sa dalawa
Dalawang siling pula na hiniwa ng maliit (maaaring dagdagan ayon sa panlasa)
6-8 kutsarita ng asukal na moscovado (maaring dagdagan o bawasan ayon sa panlasa)
Paminta, ayon sa panlasa
Patis o asin, ayon sa panlasa
Paggawa
Linisin ang manok at patuluin (drain) ang tubig. Ilagay sa isang lalagyang malalim. Budburan ng kaunting asin.
Ihalo ang suka, bawang at paminta. Haluin ng bahagya upang maghalo ang mga sangkap. Takpan ng mabuti ang lalagyan at ilagay sa refrigerator sa loob ng 48 na oras.
Sa isang kaserola, ibuhos ang manok na kasama lahat ng pinagbabaran at pakuluin (medium heat) sa lutuan. Kapag kumulo na ang manok, ihalo ang kakang gata (coconut cream) at gata (coconut milk). Ihalo ang muscovado sugar ayon sa iyong panlasa. Ihulog ang mga sili.
Hintaying lumapot na bahagya. Kung nais na higit na malapot na sabaw, kakang gata o coconut cream lamang ang gamitin at hindi na ang gata o coconut milk.
Bukod sa resipi ng adobo blanco, ibinahagi rin ni Atty. Arnel ang mga resipi na maaaring iterno rito. Ang mga ito ay ang nilagang sigarilyas (winged bean sa Ingles o kalamismis, ang tawag nito sa katimugang Katagalugan) at sinaing na bigas na may kasamang giniling mais (corn grits) o humay na mais, na popular sa Cebu at karamihan sa lalawigan ng Kabisayaan.
Pagluto ng humay na mais
Alalahanin sa pagbili ng humay na mais, mayroon itong iba’t ibang antas at grado. Mayroon itong Class A, B, at C. At ang kulay nito ay mula sa busilak na puti, hanggang sa ginintuang dilaw.
Mahahalintulad ang humay na mais sa polenta ng mga Italyano. Bagamat mas pino ang paggiling ng polenta, halos purong mais lamang ang tanging mga sangkap nito.
Ito ang paraan ng mga Cebuano sa pagsaing ng humay na mais: Hugasan ang mais ng dalawang beses at ibabad ito sa malinis na tubig nang 30-minuto. Itapon ang pinagbabaran at ilagay sa kaldero ang mais.
Gumamit ng apat na tasa ng tubig sa isang tasang mais, takpan at lutuin sa katamtamang apoy. Kapag kumulo na ito, hinaan ang apoy hanggang sa matuyo nang lubusan ang tubig.
Maaaring paghaluin ang bigas at humay na mais at lutuin ito gamit ang rice cooker. Gamit ang 2:3 ratio (dalawang bahagi ng bigas at tatlong bahagi ng humay na mais) ay magreresulta ng higit na malambot na sinaing.
Para magkaroon ng kakaibang lasa ang humay na mais, binudburan ni Atty. Bañas ito ng wasabi flavored seaweed.
Upang maging balanse ang ating pang-araw araw na pagkain dapat din tayong mag-ahin ng gulay na iteterno sa manok o karne. Kaya, ang payo ni Atty. Bañas, mag-ahin ng isang ulam na simple at di kamahalang sigarilyas.
Mainam sa pangkalahatang kalusugan ang pagkain ng gulay sa araw-araw. Pumili ng mga luntiang gulay na dahon at bunga na napapanahon, para hindi ito gaanong kamahal.
Huwag pabayaan na maluto ito ng husto. Maaari itong lutuin sa pamamagitan ng pagpapakulo o pinasingawan.
Mas mainam kung ito ay papasingawan ng hindi hihigit sa labinglimang minuto at kapag pinakuluan ito nang higit pa sa takdang oras, mawawala ang mga esensyal na bitamina at mineral nito.
Ang Kalamismis o Sigarilyas
Ang sigarilyas o kalamismis (Psophocarpus tetragonolobus), ay kilala rin bilang Goa bean, asparagus pea, four-angled bean, four-cornered bean, Manila bean, Mauritius bean, at winged pea, ay isang halamang tropikal na nagmula sa Papua New Guinea.
Ito ay yumayabong sa mga maiinit at mahalumigmig na lugar, mula sa Pilipinas at Indonesia sa Indya, Burma, Thailand at Sri Lanka. Ang halamang ito ay malawak na kilala sa Timog-silangang Asya, at bukod sa paggamit na sangkap sa pagluluto, ito ay ginagamit sa pagpaparaya ng iba’t ibang karamdaman.
Hitik na hitik sa sustansya, bitamina at mineral ang sigarilyas. Sa Pilipinas, kalimitan ang bunga lamang nito ang inaani at kinakain. Lingid sa kaalaman ng mga nakararaming Pilipino na lahat ng bahagi ng halaman ng sigarilyas ay maaaring kainin.
Ang dahon at talbos nito ay maaaring kainin na parang spinach o kangkong.Ang bulaklak nito ay maaaring gamitin sa paggawa ng ensalada ang mala-gabi na ugat nito ay maaaring kainin ng hilaw o pinakuluan tulad ng kamote.
Maaaring bungkalin ang ugat nito at maaaring ipanghalili sa cassava o kamoteng kahoy sa paggawa ng mga kakanin. At ang magulang na buto nito ay maaaring gamitin sa katulad na paraan tulad ng paggamit tulad ng balatong, patani, tausi, o soybean.
May malaking potensyal ang sigarilyas kung saan maraming mapapaggamitan ang halos lahat ng bahagi ng halamang ito, na maging isang pangunahing pagkain, hindi lamang sa Pilipinas, ngunit kung saan laganap ang malnutrisyon tulad ng sa tropikong parte ng Asya, Afrika at Latin America.
Hindi lang ito makakatulong sa kakulangan sa pagkain at malnutrisyon, makakadagdag kita pa ito sa ating mga magsasaka.
Nilagang Sigarilyas
Tanggaling ang magkabilang dulo ng sigarilyas at hatiin sa dalawa o tatlo.
Ilagay sa isang maliiit na kaserola na may tubig at pakuluan ng bahagya. Maaari rin itong ilagay sa steamer at pasingawan sa ibabaw ng kumukulong tubig sa loob ng 10 minuto. Pagkaluto, hanguin at patuluin ang labis na tubig.
Ilagay sa isang plato at lahukan ng mantekilya at kung mayroon, kaunting patak ng extra-virgin olive oil. Budburan ng pamintang durog at asin ayon sa panlasa.
Kung may katanungan o mungkahi, mag text po lamang sa 09175861963. Huwag kalimutan ang pangalan at lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.