Barangay Ginebra vs Talk ‘N Text sa PBA Season 40 opener
Mga Laro sa Oktubre 19
(Philippine Arena)
2 p.m. Opening Ceremony
3 p.m. Kia vs Blackwater
6:15 p.m. Talk ‘N Text vs Barangay Ginebra
HAWAK ang isang bagong koponan ay makakatunggali ni Joseph Uichico ang dati niyang ballclub sa main game ng opening day doubleheader ng 40th season ng Philippine Basketball Association sa Oktubre 19 sa Philippine Arena.
Si Uichico ay magpupugay bilang head coach ng Talk ‘N Text matapos na halinhan si Norman Black na lumipat naman sa panig ng Meralco Bolts. Makakaengkuwentro ng Tropang Texters ang Barangay Ginebra sa ganap na alas-6:15 ng gabi matapos ang alas-3 ng hapon na pagkikita ng expansion franchises na Kia Sorento at Blackwater Elite.
Ang twinbill ay magaganap matapos ang alas-2 ng hapon na opening ceremonies kung saan paparada ang record 12 teams kasama ang kani-kanilang muses.
Si Uichico ay dating head coach ng Gin Kings at ginulat niya ang lahat nang siya ay magbitiw at malipat sa Meralco bilang consultant ni Paul Ryan Gregorio. Noong nakaraang season ay lumipat naman siya sa Talk ‘N Text bilang assistant ni Black.
Makakatunggali ni Uichico si Barangay Ginebra head coach Jeffrey Cariaso na nasa ikalawang conference niya sa Gin Kings matapos halinhan si Renato Agustin.
Ang Tropang Texters ay pangungunahan nina Jimmy Alapag at Ranidel de Ocampo na kapwa naglaro para sa Gilas Pilipinas sa nakaraang FIBA World Cup at Asian Games. Makakatunggali nila ang mga kakampi sa Gilas na sina LA Tenorio at Japeth Aguilar na babalik din sa poder ng Gin Kings.
Idinagdag ni Uichico sa lineup ng Talk N Text ang mga rookies na sina Matthew Ganuelas at Kevin Alas sa pamamagitan ng trades. Pinapirma naman ng Gin Kings ang rookie na si Rodney Brondial.
Ang Kia Sorento ay hawak ng boxing champion na si Manny Pacquiao bilang head coach. Tutulungan siya ni assistant coach Glenn Capacio.
Ang Blackwater Elite, na nakakuha ng isang kampeonato sa PBA D-League, ay hawak ni coach Leo Isaac na nagbabalik sa PBA matapos ang tatlong taong pagkawala.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.