Kinalampag ng kontrobersiya ngayon ang paboritong komedyante ng ating mga kababayan na si Jose Manalo.
Kung kailan naman meron na silang napatunayan ni Wally Bayola sa matagumpay nilang concert sa Smart Araneta Coliseum ay saka pa tumayming ang kasong isinampa laban sa kanya ni Annalyn na ina ng kanyang mga anak.
Nangangaliwa si Jose, nananakit, naninigaw, iniwan silang mag-iina nu’ng nakaraang Enero.
Du’n umiikot ang kasong isinampa ni Annalyn laban sa magaling na komedyante.
Ang kinakasama-karelasyon daw ngayon ni Jose ay isang dancer ng EB Babes, ayon sa panayam namin kay Annalyn sa “Cristy Fer Minute” nu’ng nakaraang Huwebes nang hapon, at bukod daw kay Jose ay meron na ring nakarelasyon ang dancer sa Eat Bulaga.
Ayon pa kay Annalyn ay Jan. 6 nu’ng eksaktong hindi na umuwi pa sa kanilang bahay si Jose.
Nagbago rin daw ng numero ng telepono ang kanyang asawa, dahil ‘yun ang sinabi sa komedyante ng dancer na karelasyon niya.
Pero mapapansin na hindi naman apektado si Jose ng mga ginagawang hakbang ngayon ni Annalyn, pinanonood namin siya tuwing tanghali at wala naman kaming napapansing pagbabago sa kanyang atake sa pagpapatawa, pampawi pa rin sa pagod at lungkot ang uri ng pagkokomedya ni Jose Manalo.
Napansin lang namin na puro raw at daw ang basehan ni Annalyn sa kanyang mga pahayag, walang kongkretong ebidensiyang hawak ang misis ni Jose, puro sabi-sabi lang ang pinanggalingan ng kanyang mga sinasabi laban sa kanyang mister.
Isa ito sa mga senyales na sikat na nga si Jose Manalo.
Kontrobersiyal na siya, meron na siyang espasyo ngayon sa mga pahayagan, pinag-uusapan na siya ngayon kahit saan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.