KUNG noo’y sa basketball games lang nakikitang nanonood ang artistang si Ai-Ai delas Alas, ngayo’y tila nalipat na ang puso niya sa larangan ng badminton.
Malaki ang ibinibigay na suporta ng comedy queen sa La Salle badminton team na pinangungunahan ni Gerald Sibayan.
At marami ang nagsasabi na si Ai-Ai ang pinakamalaking dahilan kung bakit nakarating ang Green Archers sa finals ng badminton tournament ng UAAP.
Katunggali ng Green Archers ang National university Bulldogs na may thrice-to-beat advantage. Winalis kasi ng Bulldogs ang seven-game eliminations.
Sa kabilang dako ay dumaan pa sa stepladder ang Green Archers bago nakarating sa finals.
Pero teka, ang huling nakalaban ng La Salle bago nakausad sa Finals ay ang defending champion Ateneo Blue Eagles na tinalo nila, 3-0.
Sa duwelong iyon ay tinalo ni Sibayan, dating Rookie of the Year, ang Most Valuable Player na si Patrick Natividad, 21-16, 17-21, 21-16, sa unang singles. Sa ikalawang singles match ay nanaig si John Kenneth Monterubio kay Carlo Remo, 21-17, 21-12. Sa doubles naman ay nagtulong sina Sibayan at Carlos Cayanan upang talunin sina Patrick at Justin Natividad, 21-16, 18-21, 21-19, at wakasan ang paghahari ng Blue Eagles.
Pero ‘tall order’ talaga ang NU para sa La Salle. Noong Miyerkules kasi ay ginapi ng Bulldogs ang Green Archers sa simula ng finals.
Dinaig ni Joper Escueta si Monterubio, 21-16, 21-12, sa unang single smatch. Sa ikalawang singles ay tinalo ni Ariel Magnaye si Sibayan, 21-12, 21-16. Sa doubles ay nanalo sina Escueta at Magnaye kina Sibayan at Cayanan, 21-14, 21-14.
Sa Linggo gaganapin ang Game Two at puwede nang makamtan ng Bulldogs ang korona kung muli silang magwawagi. Siyempre, pipilitin ng La Salle na ma-extend ang serye.
Pipilitin ni Sibayan na buhatin ang Green Archers lalo’t ito na ang kanyang huling season sa badminton team. Kasi’y pagtutuunan niya ng pansin ang kanyang pag-aaral. Nais kasi niyang maging piloto at mag-aral siya sa Philippine Airlines.
Todo-todo naman ang suporta ni Ai-Ai lalo’t dehado ang Green Archers sa duwelo nila ng Bulldogs. Ito kasi ang unang pagkakataon na naging manager ng isang sports team si Ai-Ai. At naging maganda nga ang resulta nito dahil umabot sa
finals ang kanyang mga mina-manage.
“It has been very inspiring for me. Kita naman ang pagpupunyagi ng mga players. kita ang improvement dahil fifth placer sila last year, ngayon finalists na. Tuluy-tuloy lang ito,” ani Ai-Ai.
Idinugtong ni Ai-Ai na iniisip niya na magtayo ng isang sports foundation upang mas maraming atleta siyang matulungan.
Sana nga ay matuloy ang planong ito. At sana ay maraming mga artista at iba pang personalidad ang maging involved sa sports.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.