Barangay Ginebra vs Sokor team sa Asian Basketball Showdown
DALAWANG tinitingalang basketball teams buhat sa Philippine Basketball Association (PBA) at Korean Basketball League ang maghaharap para malaman kung sino ang mas mahusay sa dalawa.
Ang crowd-favorite team Barangay Ginebra at LG Sakers ng South Korea ay magpapang-abot sa Setyembre 9 sa Smart Araneta Coliseum.
Sa ganap na alas-6 ng gabi ito magsisimula at ang tagisan ay mangyayari dahil sa suporta ng LG Electronics at tatawagin ito bilang Asian Basketball Showdown.
Ginawa ito ng kumpanya dahil ang Pilipinas at South Korea ay may rivalry kung basketball ang pag-uusapan lalo na sa international competitions.
Matatandaan na noong 2002 sa Busan Asian Games ay binigo ng host ang sana’y pagpasok sa championship ng PBA-national team nang naipasok ang isang 3-pointer ni Lee Sang Min tungo sa 68-69 pagkatalo.
Naipaghiganti naman ng Pilipinas ang kabiguang ito noong nakaraang taon sa FIBA Asia Men’s Championship nang manaig ang Gilas Pilipinas sa Koreans, 86-79, sa semifinals upang makakuha ng tiket sa FIBA World Cup na ginaganap ngayon sa Spain.
“This is history in the making. We are treating Filipinos to a one-of-a-kind opportunity to witness first hand the excitement of watching Korean and Filipino cagers clash at the hardcourt,” wika ni LG Electronics Philippines managing director Sung Woo Nam.
Ang mga gustong makapanood ng laro ay maaaring mag-register sa facebook.com/LGPhilippines o sa bit.ly/lgsakers para magkaroon ng tsansa na makakuha ng dalawang libreng tiket.
Ang mga nakabili ng LG products ay dapat magrehistro rin para makakuha ng dalawang Patron seats. Ang mga manonood ay magkakaroon din ng pagkakataong manalo ng mga produkto ng LG.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.