“KUNG sakaling tuloy ang 2016-Election…”—Opps moment lang, nahirapan lang daw kasi na magsalita sa wikang Filipino si Presidential Spokesperson Atty. Edwin Lacierda, hinting of a NO-Election scenario last Friday.
It was a slip of the tongue, the subconscious mind speaking, or a deliberate slip to test the waters but never the language barrier and the comfort of expressing oneself in Filipino.
Ilang taon na bang Tagapagsalita ng pangulo si Lacierda? Kung gaano katagal si Pangulong Aquino — na ang pangunahing lengguwaheng ginagamit sa pakikipag-usap sa kanyang mga boss ay Filipino — sa puwesto ganon din si Lacierda. Ang Filipino ang lengguwaheng sadyang ginagamit ng Malacañang sa pagpapaliwanag sa mga usapin, mula sa pangulo o sa kanyang mga katuwang sa Gabinete, lalo na ng kanyang mga tagapagsalita gaya ni Lacierda.
Ang scenario ng NO-EL ay isa talagang option. Nadinig ko na ito, simula pa lang ng PDAF scam. Yun nga lang, ang source ay hindi taga gobyerno kundi may mga kliyenteng mula sa gobyerno.
At sa isa sa mga inaakala nilang malayang palitan ng paliwanagan, lumabas ang panukalang NO-EL, na tinukoy ng mga pangalang nagsusulong.
Ang nakadinig na nagkuwento sa akin nito ay kinabahan ngunit nanahimik. Wala siya sa poder na magsalita, baka makompromiso nga naman ang kanyang presensiya sa informal gathering na iyon na kabilang ang ilang personalidad na malapit na malapit sa panguluhan gayundin sa pamilya mismo o kapamilya mismo ng pangulo.
Akala niya “tsika lang”. Not until it was hinted by no less than the Presidential Spokesperson.
Ang NO-EL ay maaari lamang itulak ng kaisipang ganid at walang paggalang sa taumbayan at sa Saligang Batas.
Umaasa akong di ito seseryosohin ni Pangulong Aquino. Umaasa ako na ang mga nakapaligid lamang sa kanya ang may pakulo nito.
Ang NO-EL ay maaaring itinutulak ng mga kaisipang naniniwala na sila lamang ang may kakayanan na mapabuti ang pamumuhay ng mamamayan.
Minsan na nating nabasa ang kuwentong iyan sa ating kasaysayan at ang Saligang Batas mismo ng taong 1987 ang moog ng pagtiyak na hindi na maulit ang ganyang kaisipan.
Noong unang pinalutang ang term extension, malinaw na labag ito sa Saligang Batas. E, di lalo na ang No Elections!
Marami na ang nanawagan sa pangulo, si dating pangulong Fidel Ramos at si Mayor Rodrigo Duterte ng Davao. Ang hamon—linawin mo na, magsabi ka na ng totoo: Ano ba ang plano mo? Dahil kung ang mga boss mo ang tunay na pakikinggan, ito ang kanilang sinasabi: Tuloy ang Eleksiyon sa 2016, Mauupo na susunod na Pangulo ng bansa ang may pinakamataas na bilang ng boto—kahit sino pa siya, kahit ano pa ang kulay at pulitika niya—kung ito ang hatol ng taumbayan, iyon ang hatol ng taumbayan.
Samantala, isang personal na pagpapaabot ng pakikiramay sa pamilya ni Virgilio “Boy” Trinidad na namatay kamakailan lamang.
Siya si Boy T. Kung tawagin namin. Isa siya sa mga naging cameraman ko noon sa dating ABC-5.
Sa iyo Boy T: Isa kang naging mabuting katuwang sa pamamahayag. Kami na naiwan mo ay inaalala kang may paggalang at pagtatangi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.