SINASABI ng mga Binay—sina Vice President Jojo at kanyang anak na si Makati Mayor Junjun—na namumulitika lang sina Renato Bondal at Nicolas Enciso kaya’t dapat hindi sila pinaniniwalaan.
“Politically motivated” lang daw ang sinasabi nina Bondal at Enciso sa kanilang paratang sa mga Binay na pinatungan nila ng malaki ang pagpapatayo ng P2.6 billion na Makati parking building.
Dahil lang ba na kalaban sa pulitika ng mga Binay sina Bondal at Enciso ay hindi na nagsasabi ng totoo?
Anong logic na meron sa paratang na nagsisinungaling ang dalawa samantalang sila’y may mga iprinisintang mga ebidensiya?
Anong masasabi ng publiko kapag nalaman nila na si Enciso, na isang barangay chairman, ay may stage-4 cancer at alam niyang hindi na siya tatagal sa mundo?
Ang paniniwala ng karamihan ay ang taong malapit nang mamatay ay nagsasabi ng totoo dahil gusto niyang malinis ang kanyang konsensiya.
Ano naman ang mahihita ng malapit nang pumanaw na si Enciso na paratangan ang mga taong walang kasalanan?
Ang palaging depensa ng mga elective official na pinararatangan ng corruption o incompetence ng kanilang mga kalaban ay ito’y “politically motivated.”
Sabi pa nga ng aking mga kapwa kolumnista sa INQUIRER, sina Winnie Monsod at Neal Cruz: Eh ano naman kung ang paratang ay may bahid ng pulitika?
Ang ibig bang sabihin ay ang mga nagpaparatang sa isang elective official ay di nagsasabi ng totoo dahil lamang sila’y kalaban sa pulitika, sabi nina Monsod at Cruz sa kani-kanilang mga columns.
Napag-alaman ng inyong lingkod na isa sa mga resource persons ng Senate committee na nag-iimbestiga ng overpricing ng Makati parking building ay si dating Vice Mayor Nestor Mercado.
Kapag nagsalita na si Mercado sa komite tungkol sa kanyang mga nalalaman, sira ang pamilya Binay—sina Vice President Jojo, Mayor Junjun at asawa ni Jojo na si Elenita, na dating mayor din ng Makati.
Si Mercado at Jojo ay malapit na magkaibigan, pero nagsaulian sila ng mga kandila.
Ang dahilan ng paghihiwalay nina Jojo at Nestor Mercado ay dahil sa pagkagahaman ni Jojo sa kapangyarihan.
Nangako si Jojo na susuportahan niya si Mercado sa kanyang kandidatura pagka-mayor kapag natapos na ang termino ni Binay.
Pero sa halip ay sinuportahan ni Jojo ang kanyang anak na si Junjun.
Tumakbo pa rin si Mercado kahit na walang suporta kay Jojo pero siya’y natalo ni Junjun.
Ang sasabihin ni Mercado tungkol sa mga Binay sa komite ay kapani-paniwala dahil siya’y dating bagman ni Jojo at tinuruan daw niya si Jojo kung paano mangurakot ng malinis.
Pinag-uusapan ang aking sinulat noong Huwebes, Aug. 21, na dapat mag-ingat sa iyong mga sinasabi dahil maaaring maging totoo ang mga ito.
Pero isang mambabasa na nakasalubong ko sa kalye ang nagsabi na coincidence o nagkataon lang ang pagkamatay ni Lito Catapusan, columnist ng Manila Bulletin.
Inatake sa puso si Lito sa golf course nang pabiro siyang sumigaw na “Lord, kunin mo na ako” dahil sa tuwa na nananalo siya.
Magbibigay pa ako ng isang ehemplo sa kapangyarihan ng iyong mga salita.
Si Dr. Antonio Mapayo na aking kababayan sa Manay, Davao Oriental, at ang inyong lingkod ay nasa isang bar sa Ermita, Manila kung saan lahat ng waitress ay mga ubod ng ganda.
Niyaya ko si Tony, na pumunta ng Maynila dahil sa isang seminar, sa bar na nabanggit. Tuwang-tuwa siya sa mga babaeng naka-bikini.
“Mon, ngayon lang ako nakakita ng mga naggagandahang mga babae sa isang lugar. Puwede na akong mamatay,” pabiro niyang sinabi sa akin.
Isang linggo matapos siyang nakauwi sa Davao City, kung saan siya’y nagtatrabaho sa isang government hospital, inatake si Tony sa puso at namatay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.