One on One with Mona Louise Rey, ang batang survivor | Bandera

One on One with Mona Louise Rey, ang batang survivor

Ervin Santiago - August 24, 2014 - 03:00 AM


KAHANGA-HANGA ang katatagan at katapanga ng isang batang tulad ng Kapuso child star na si Mona Louise Rey na sa edad na 10 ay meron nang sakit na diabetes.

Kapag nakikita namin si Mona, hindi namin mapigilan ang hindi maawa sa kanya, lalo na kapag kailangan na niyang magturok ng insulin—na siya mismo ang gumagawa.

Pero pagkatapos ng one-on-one interview namin sa kanya na ginanap sa mismong opisina ng BANDERA, biglang nag-iba ang tingin namin sa kanya.

Narito ang kabuuan ng masaya at makabuluhang panayam namin sa isa sa mga ipinagmamalaking child star ng GMA na napapanood araw-araw sa teleseryeng My BFF kasama sina Jillian Ward, Janno Gibbs at Manilyn Reynes.

BANDERA: Paano ka na-discover?
MONA LOUISE REY: Nag-audition po ako sa Munting Heredera. Dapat po may script, lahat po kaming bata roon, siguro mga 200 po kami, may script.

Tapos po, si direk Maryo (J. delos Reyes) sabi sa akin, ‘Huwag ka nang magbasa ng script, ikaw na lang mag-isip sa sarili mo ng mga dialogue mo. Isipin mo ‘yung  mga malulungkot na nangyari sa buhay mo.’

E, kasi po, bata pa po ako, hiwalay na ‘yung mommy tsaka daddy ko, e, nalaman po ni direk, kaya sabi niya, ako na lang bahala sa lines ko, sa acting ko po. Sabi niya, kunwari raw iniwan ako ng daddy ko. Tapos po umiyak na ako nang umiyak.

B: Natanggap ka ba agad sa Munting Heredera pagkatapos mong mag-audition?
MLR: Hindi pa po, kasi pabawas po siya nang pabawas. From 200 naging 50, naging 20, naging 10, then naging 5. Tapos nang mapili na po kami, may isa po doon na hindi namin nakasama sa audition.

Siguro po nauna na siya dati. Nag-one-on-one po kami sa akting. On the spot na iyakan. Nagawa ko naman po ‘yung gusto ni direk Maryo.

B: ‘Yung pag-arte mo, ‘yung galing mo sa pag-iyak saan mo ‘yun hinuhugot?
MLR: Actually, hindi po talaga yung nangyari sa parents ko ‘yung pinaghuhugutan ko kapag umaarte, ‘yung sister ko po ang iniisip ko. Hindi ko pa po kasi siya nakikita, two years na siyang nasa Bahrain, siya po ang pinakamatanda sa amin. Meron kasi kaming business doon, siya ‘yung nagma-manage.

Sa lahat ng kapatid ko, apat po kasi kami, siya ‘yung pinaka-close ko. ‘Yung iba ko namang kapatid, malapit din naman kami, pero ‘yung ate ko talaga ang miss na miss ko na.

B: Kumusta ang trabaho mo ngayon sa My BFF?
MLR: Okay naman po, hindi naman po ako napapagod. Sakto lang po ‘yung oras ng taping namin. Masaya naman po sa set.

B: May competition ba kayo ni Jillian Ward (ang gumaganap na multong BFF niya sa serye ng GMA)? Sino sa tingin mo ang mas magaling na artista sa inyong dalawa?
MLR: Wala naman po kaming competition. Sa galing naman po, hindi ko masasabi, siguro pareho lang kasi ginagawa naman namin pareho ang best namin para po mas lalong gumanda ang My BFF. Pantay-pantay lang kami.

B: Sa My BFF, best friends kayo ni Jillian pero sa tunay na buhay hindi naman daw kayo close?
MLR: Magkaibigan kami, pero hindi ko siya best friend. Maayos po ‘yung samahan namin, hindi naman po kami nag-aaway. Kasi po, magkahiwalay ‘yung tent namin, kaya wala po kaming time na magkuwentuhan o maglaro.

Nagkakasama lang kami kapag take na. Pero minsan may time po na nag-uusap kami tungkol sa Star City, sa mga toys, ganu’n po. E, kasi nakakahiyang mag-play sa set baka po mapagalitan kami.

B: ‘Yung mga problema sa pami-pamilya hindi n’yo napag-uusapan? Tungkol sa lovelife?
MLR: Ha-hahaha! Wala naman po. Bata pa po kami para sa lovelife.

B: Kumusta katrabaho sina Janno Gibbs at Manilyn Reynes?
MLR: Magagaling po sila tsaka sobrang babait nila. Marami po silang itinuturo sa amin pagdating sa pag-arte. Si tita Manilyn po, gina-guide niya kami sa scenes kapag hindi namin maintindihan, kasi minsan, hindi namin makuha agad ‘yung instructions ni direk, minsan malalalim ‘yung mga sinasabi.

Si tito Janno naman po, sobrang bait din, siya lagi ang nagpapatawa sa amin sa set. Kaya kapag nagte-take na, minsan pinipigilan namin ‘yung pagtawa.

Minsan ‘yung scene namin, malungkot, kasi nag-aaway na naman sila ni tita Manilyn, tapos bigla na lang siyang magpapatawa kaya lahat kami magtatawanan na rin.

B: Marami ka nang nakasamang sikat na artista sa mga teleserye ng GMA, sinu-sino ‘yung mga nakapagbigay na sa iyo ng regalo?
MLR: Si tito Mark Anthony (Fernandez) po, binigyan niya po ako ng cellphone nu’ng birthday ko (last year).

B: Nag-aaral ka pa, di ba? So, paano mo pinagsasabay ‘yung studies mo tsaka pag-aartista?
MLR: Sa schedule lang po. Kapag hindi po ako nakakapag-exam, kapag pumunta ako sa school (St. Monique sa Sta. Mesa) saka na lang po nila ako bibigyan ng test.

B: Anong sinasabi ng mga classmate mo ngayong sikat ka na?
MLR: Minsan ‘yung mga friends ko ayaw nilang palapitin yung ibang classmates sa akin. Ewan ko po, ‘yung mga girls ayaw nilang palapitin ‘yung mga boys, gusto nila sila lang ang friends ko.

Mababait po sila sa akin. Hindi naman nila ako inaaway. Minsan po, pinapahiram nila ako ng gamit sa school kapag hindi ko nadala ‘yung sa akin. Tapos po one time, recess namin, gusto nila sila ang mag-treat sa akin.

B: May crush ka na sa school?
MLR: Wala po. Tsaka ayoko po kahit payagan ako ng mommy ko. Huwag muna po.

B: Alam ng lahat na diabetic ka, paano mo inaalagaan ang sarili mo? Marami bang pagkain na bawal sa iyo?
MLR: ‘Yung doctor ko po, sabi niya, lahat naman po pwede, pero konti-konti lang, like chocolate, ganyan. Kunyari kapag kumakain sila mommy, tapos natakam ako, tumitikim ako. Kapag gusto ko namang kumain nagpapaalam muna ako kay mommy.

B: Sanay na sanay ka nang mag-inject ng insulin?
MLR: Opo. Madali lang naman po, kasi ‘yung karayom, ‘yung pen type ang gamit ko. Ilalagay mo lang ‘yung karayom sa pen na may insulin. Hindi na po ako natatakot.

Ako kasi, gusto ko ‘yung nakikita ko ‘yung pag-inject sa akin. Tinitingnan ko talaga. Kapag hindi ko nakita mas nagagalit ako. Kasi po, one time, tulog po ako tinusukan ako ni mommy, iyak po ako nang iyak. Nabigla po talaga ako. Mas nakakatakot kasi kapag hindi ako nakatingin, kasi baka hindi pa ako ready, maganu’n (masangga) ko pa.

B: Ano ‘yung naramdaman mo nang malaman mong may diabetes ka, e, ang bata-bata mo pa?
MLR: Nu’ng una po, galit na galit ako. Naalala ko, tinatanong ko po, ‘Lord, bakit po ako, e, ang dami-daming tao, bakit ako ang kailangang magkaroon nito?’ Bakit ako binigyan ng ganitong sakit? E, wala pong sagot. He-hehehe! Kaya po tinanggap ko na lang. Iniisip ko na lang, baka may purpose po ito kaya ibinigay sa akin.

B: Ano pa ang na-realize mo after mong matanggap ang sakit mo?
MLR: Sabi ko, siguro minsan talaga nangyayari ‘yung ganito sa isang tao. Naisip ko may mga taong walang sakit pero hindi naman kasing-swerte ko.

Meron po akong work na malaking tulong po para makabili ako ng gamot ko. Mahal na mahal po ako ng mommy ko, ng family ko. Kaya nagpapasalamat na lang ako na kinaya ko lahat ng ito kahit bata pa ako.

Naisip ko pa, ibinigay sa akin ang sakit na ito para mas makita ko pa na, ‘Ay ganito pala ako katapang, kahit 10 years old pa lang ako, alam kong strong ako.

B: So, ngayon, tanggap mo na ang kundisyon mo?
MLR: Mga 40 percent pa lang po. Siguro po habang tumatanda ako, unti-unti, hanggang maging 100 percent na.

B: Ano ang message mo sa mga batang meron ding diabetes tulad mo?
MLR: Huwag kayong susuko. Ituloy n’yo lang ang dreams n’yo. Hindi dapat maging hadlang ang anumang sakit para matupad ang mga pangarap natin. Kasi di ba nga, with God anything is possible. Just keep on dreaming and always pray na sana’y gumaling tayo.

Ako, hindi talaga ako sumuko na maging artista. Three years old pa lang kasi ako, gustung-gusto ko nang mag-showbiz. Naalala ko, nanonood kami ng ate ko ng Hollywood movie, tapos nainggit ako, baba-sagin ko raw po talaga ‘yung TV na-min, kasi gusto ko raw pumasok du’n sa movie. Gusto ko raw pong sumali du’n sa pelikula. Buti na lang napigilan ako ng ate ko.

B: Sinu-sino pa sa mga GMA stars ang gusto mo pang makasama?
MLR: Sina ate Carla Abellana po, si ate Rhian Ramos. Sana makasama ko po uli si ate Marian (Rivera), nakasama ko na po siya sa Carmela. Ako po yung batang Marian.

B: Kumusta naman si ate Marian mo?
MLR: Ay, sobrang bait po. Hindi po totoo yung sinasabi ng iba na suplada siya, ganu’n. Hindi lang po nila siguro alam ‘yung ugaling bakla. Si ate Marian kasi ugaling bakla, parang ako din po.

Kasi nu’ng nagsimula po ako sa Munting Heredera, halos lahat ng nakakasama ko bakla, lahat ng nakakausap ko gay. Kaya nu’ng una kong makita ko si ate Yanyan, sabi ko, ‘Hala, baka supladahan ako pag nag-hi ako.’ Kasi nga po palagi ko yung naririnig sa mga tao.

Tapos nu’ng nag-hi na ako, nag-hello rin siya sa akin. So, sabi ko, hindi totoo ‘yung mga balita. Tsaka po napakaganda niya at magaling na artista. Siya po ang pinaka-idol ko. Gusto ko nga po siyang maging kamukha, e. Kaso lang, hindi po, e!

B: Ano’ng usually binibili mo kapag may pera ka?
MLR: Loom band po. Gumagawa po ako kapag may free time. Ito po ‘yung bag ko, ako po ang gumawa nito. Tapos ginagawan ko rin ng mga bikini ‘yung mga Barbie ko. Natatapos ko siya mga three hours lang. Natutunan ko siya sa YouTube lang, sinusundan ko lang ‘yung instructions.

B: Anong balak mong iregalo kay mommy at sa mga kapatid mo kapag kumikita ka na ng malaki?
MLR: Ibibili ko sila ng bahay. Pero yung daddy ko hindi na, meron na siya, e. Sina mommy, ate at kuya na lang. Pero hindi pa rin po ako sure, kasi baka yung pera ko sakto lang para sa apat.

E, di hindi ko na nabili ‘yung sarili ko. Siyempre po, matatanda na rin sila nu’n, baka po may bahay na rin sila that time. Kung sino po ‘yung meron na, hindi ko na ibibili. Pero si mommy, dapat talaga meron.Siyempre dahil sa kanya kaya ako nabuhay, e.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

(Pinakanta rin namin si Mona Louise ng favorite song niya during the interview, ang walang kamatayang ‘Let It Go’ mula sa Hollywood animated film na Frozen. At maaari n’yo itong panoorin sa official website ng Inquirer Bandera. Visit www.bandera.ph)

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending