NAGLIPANA na ang bobong mga politiko, pulpol at gaya-gaya. At dahil hindi gumagana ang kanilang utak, o kundi ma’y hindi nagagamit ang kanyang utak, tulad ng paninira kay Joseph Estrada nang tumatakbong pangulo (si Erap daw ang may orihinal na utak kesa sa bihis nang bihis, dahil hindi ito nagagamit at kung nagagamit man ay slightly used, kaya mahal pa rin, tulad ng magarang segunda manong kotse. Pero, nakalipas na iyan, si Erap ay naging pangulo, naging mayor, at burak na lang sa ilalim ng ilog San Juan ang propagandang iyan). Mantaking bawal na ang backride sa motorsiklo’t scooter (malaki ang pagkakaiba ng motor sa scooter, at lahat ng bobong mga politikong ito ay isa lang ang tingin, at tawag, lahat ng dalawang gulong na de-makina na tumatakbo sa kalye ay motor. Bobo. Merong scooter, electric bike, electric at hybrid Harley. Motor din ba ang mga ito?).
Amiiinin, anang mga beki. Na hindi kaya ng National Police, na ang mga opisyal ay nagsunog pa raw ng kilay (at buhok dahil ilan sa kanila ang mga kalbo na) sa Philippine Military Academy at Philippine National Police Academy (doble-doble namang “Philippine” iyan, ganoon din naman, pulpol pa rin), pero ang pamamaslang ng riding in tandem ay hindi pa rin malutas sa kabila ng bilyones na budget na napupunta sa kanila (baka naman kapag trilyones na ang budget sa kanila ay malutas na nila ang krimen ng riding in tandem). At dahil hindi na nila malutas ang krimen ng mga nakamotor at scooter ay ipagbabawal na ang backride. Mas maganda ang argumentong tatalakayin na kung hindi malutas ng pulisya ang araw-araw at gabi-gabing krimen, na ilan din naman ay kinasasangkutan nila (at pinasusuweldo pa sila ng arawang obrero, ng riders at taumbayan), ay ipagbawal na rin ang mga pulis. Parati na lang nilang sinasabi na hindi lahat ng pulis ay bugok. Pero, hindi naman nila mapigilan ang gawain ng bugok na mga pulis at kikilos lamang kapag gumawa na ng kabugukan ang bugok na pulis. At ang bugok na pulis na gumawa ng kabugukan ay sinisibak kunwari at pagkalipas ng ilang meme ay balik na naman sa serbisyo. O, maliwanag iyan. Bugok ang pulis, hindi ang riders.
Alam ng buong bansa na ang Psychopatic, ang matandang pagamutan ng mga baliw, na pinalitan ng pangalang National Mental Hospital, hanggang sa National Center for Mental Health, ay nasa Mandaluyong. Hanggang ngayon iyan. Sa palatuntunang “Oras Ng Ligaya” at “Student Canteen” noon, kapag ang participant o contestant ay nagmula sa Mandaluyong, nililinaw agad nina Oscar, Bobby at Eddie (kung hindi ninyo alam ang epelyido nila ay huwag na lang ninyong alamin) na Mandaluyong-Labas. Dahil mas kilala noon sa buong Pilipinas ang Mandaluyong-Loob. Kung bakit nagkaganoon ay ang taga-loob na lang ang nakababatid. Pagkatapos noon ay nakangiti na sina Oscar, Bobby at Eddie. Ngayon, sa Mandaluyong, ay bawal na mag-angkas ng hindi kapamilya. Bawal din ang mag-angkas ng kapuso. Bawal din ang mag-angkas ng kapatid, lalo na kapag walang birth certificate. Kapamilya’t kapatid, puwede. Pero, kapuso bawal? Anak ng Mandaluyong naman!
Pero, huwag munang sisihin ang matitinong opisyal ng Mandaluyong. Dahil ginaya lang pala nila ang oblong-batas (batas panloob, hindi oblong na utak) sa Colombia. Muy bien! Como esta usted? Mismo na nga. Sige na. Sa Colombia raw, ang puwedeng angkas ay babae’t bata. Kung ganoon, sa barangay Hulo, Barangka, Addition Hills ay maiibsan na o mawawala ang pamamaslang ng riding in tandem. Teka. Paano kung sharpshooter ang babae? At napakaraming babaeng shooter sa Mandaluyong ang asintado. Paano kung sharpshooter ang bata? May mga gun club sa Mandaluyong na sharpshooter ang mga bata. Oo. Hindi ibig sabihin na kapag sharpshooter ay papatay na kapag nakaangkas sa motor. Hindi sumagi sa isipan ng bumalangkas ng batas na ito na ang pagiging asintado ay madaling pag-aralan sa DVD ni Tod Jarret, na pinirata na, at sa Internet. Judge Ben, turuan mo naman ang mga apo mo.
Sa Quezon City, na ang mayor ay mahal na mahal ng may malawak na karanasan na si Kris sa napakaraming larangan, plaka vest naman ang ipaiiral. Maraming rider ang may backpack at matatakpan lang ang plaka vest. Kapag natakpan ba ng backpack ang plaka vest ay ipakukulong ninyo ang rider? Kapag natakpan ba ng kapote ang plaka vest dahil umaambon o umuulan ay ipakukulong ninyo ang rider? Kapag natakpan ba ng backride ang plaka best ay ipakukulong ninyo ang kawawang rider?
Iyong ipinangangalandakang RA 10054 ay “good law” daw. Sa Lumban, Laguna ay matagal nang ipinagbawal ang mga naka-helmet para agad na makilala ang rider, busisi at kriminal. Walang helmet law ang Illinois, Iowa at New Hampshire. Hindi iyan mga kalye sa Cubao at New Manila sa Quezon City. Iyan ay mga estado sa Amerika. Kung bakit hindi pumasa, at mahirap pumasa, ang helmet law, ay saliksikin na lang para mas lalong maunawaan.
Ang kapakanan at karapatan ng mahihirap na magka-motor ay ipagbunyi. Hindi sila nagnanakaw ng pera ng taumbayan para makabili lamang ng sasakyan. Galit na ang mga nakamotor, naka-scooter, at ito’y ibubulalas nila sa 2016.
Maliban na lang kung talagang likas na mandaraya ang administrasyong ito, tulad ng argumento ni Tingting Cojuangco.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.