Pilosopiya ng Slow Food | Bandera

Pilosopiya ng Slow Food

Ige Ramos - August 11, 2014 - 03:00 AM

NAGING mata-gumpay ang katatapos na WOFEX, o World Food Expo, isa sa pinakamalaking pagtitipon ng mga kumpanya sa industriya ng kalakalan ng pagkain.

Ito ay ginanap noong  nakaraang Agosto 6-9 sa SMX Convention Center at World Trade Center. Ito rin ang tahanan ng 2014 Philippine Culinary Cup, ang pinaka-prestihiyosong kompetisyon ng pagluluto sa Pilipinas, na nilahukan ng mga koponan mula pa sa ibang bansa.

Kapansin-pansin ang kanilang mga bagong programa tulad ng World Food Summit, isang serye ng mga seminar at workshop na nagsisilbing pagtitipon ng mga dalubhasa upang mamahagi ng kanilang kaalaman tulad ng teknolohiya, pilosopiya at kung ano ang uso sa industriya ng pagkain.

Dalawa ang paksa na alay ng World Food Summit: ang Halal Food, na aking tatalakayin sa susunod na linggo, at ang Slow Food, isang kilusan na sinimulan ni Carlo Petrini, mula sa Italya na kumakatawan sa pagbabalik-loob ng mga tao sa kinagisnang pagkain at umangkat at kumain lamang ng mga pagkaing mabuti, malinis at makatarungan.

Ginawang pormal na ang pagtatatag ng Slow Food Philippines, na pinangunahan ni Chit Juan, na may malalim na adbokasiya sa pagtatanggol ng mga karapatan ng magsasaka at tinuturuan sila ng wastong pagsasaka upang makapag-ani ng mataas na uri ng pagkain.

Tinampukan ang talakayan kung ano ang tunay na adhikain ng Slow Food ng mga magsasaka, tagagawa at lider ng komunidad na bagamat, matagal na silang nagsasaka o nag-aalaga ng mga hayop, sumasang-ayon sila sa pilosopiya ng Slow Food.

Maraming ambag ang mga panelista sa talas at talino ng panilang pagbubulay-bulay ng mga ideya at konsepto na dati nang ginagawa, ngunit dahil sa pag-usad ng modernisasyon at teknolohiya, ito ay malapit nang maglaho o mawalan nang tuluyan.

Si Vicky Garcia ng Cordillera Heirloom Rice Project ay nagsalita tungkol sa mga pamanang palay ng mga katutubo at ang paglinang ng rice terraces.

Tinalakay naman ni Nicolo Aberasturi ng Down To Earth farms ang pag-aalaga ng baka at pagtuklas sa mga katutubong baka na hindi sinaksakan ng mga kemikal tulad ng antibiotics at hormones upang daglian itong lumaki, bumigat at ibenta nang mahal.

May pataniman din si Nicolo ng mga kakaibang gulay at yerba na panglahok sa ensalada na hindi ginamitan kailan man ng pestesidyo.

Ipinaliwanag ni Tina Morados ng Pamora farm ang tungkol sa “free-range chicken,” mga manok na pinapabayaang lumaboy sa kabukiran at tumuka lamang ng nais nitong kainin.

Ang mga ito ay di lumaki sa hawla, kung saaan ang mga manok ay nagsisiksikan. Sina Chinchin Uy at Dr. Albert Jo na kapwa taga-Negros ay nagsalita tungkol sa organic vegetables at sustainable fish. Si Dr. Jo na mismo ang nagpapatunay na ang mga isdang kinain niya na pawang malinis at walang kemikal ay nakakapagpagaling sa mga malubhang sakit tulad ng cancer.

Samantala, si Chinchin ay nagbigay ng mga halimbawa kung paano natin matutulungan ang mga magsasaka upang hikayatin sila na magtanim ng mga organic vegetables.

Sa darating na Oktubre, lalahok ang ating mga kababayan, mga kasapi ng Slow Food Philippines, sa Terra Madre, isang pagtitipon ng mga tagapaglikha at tagagawa ng pagkain sa Torino, Italia.

Ipapakita doon ang mga katangi-tanging produkto na likas lamang sa Pilipinas. Nalulugod din ang Slow Food Philippines dahil naipatala nila sa Ark of Taste (o Kaban ng Lasa) ang ilang mga katutubong pagkain na galing sa halaman na nagtataglay ng kasaysayan, pambihira at walang katulad, upang masagip ito bago pa ito mawala.

Ilan sa mga ito ang Criollo Cacao na iminungkahi ni Reena Francisco, ang Kadyos na ipinaliwanag ni Jeannie Javelosa na paboritong sangkap ng mga Negrense at ang mga katutubong palay ng Cordillera.

Paano mabubuhay ang isang pilosopiya kung wala itong magtatangkilik? Kaya naimbitahan din ng Slow Food Philippines ang mga pangunahing chefs ng Pilipinas tulad ni Margarita Fores, Robby Goco, Jam Melchor at Myke Tatung Sarthou.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Kahit wala pang Slow Food sa Pilipinas ay kinaugalian na nilang gawin ang mga ito.

 

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending