Sinong protektor ng colorum: LTFRB, LTO, MMDA, o Metro Mayors? | Bandera

Sinong protektor ng colorum: LTFRB, LTO, MMDA, o Metro Mayors?

Jake Maderazo - August 11, 2014 - 03:00 AM

NILABHAN, kinula at binanlawan ng maraming beses si Land Transportation Franchising and Regulatory Board Chairman Winston Ginez sa kasagsagan ng maiinit na batikos laban sa kanya ng Metropolitan Manila Development Authority, Metro Manila mayors at ilang mga senador.

Ito ay bunsod ng aksidente ng isang trak sa C5 noong Lunes. Nagkabuhul-buhol at nag-gridlock sa trapik ang Metro Manila na dinagdagan pa ng 50 aksidente pagkatapos.

Ayon kay MMDA chairman Francis Tolentino, LTFRB ang dapat sisihin sa matinding traffic matapos ang no-apprehension policy sa 28,000 na colorum trucks at buses. Pinapasok pa umano ng LTFRB ang mga provincial buses kayat nagsisikip na ang trapiko. Second the motion naman agad ang mga mayors at nakarating pa ang usapin sa Malakanyang.

Ayon naman kay Ginez, ang mga colorum trucks at buses ay binigyan hanggang August 29 para lakarin ang mga prangkisa at habang in process, hindi sila huhulihin dahil na rin sa request ng Business Sector. Ito’y sapat na panahon sa halos 30,000 na colorum trucks at buses na nag-apply ng prangkisa bago ipatupad ang Joint administrative Order na nagpapataw ng multang P1 milyong sa susunod na buwan.

Matapos ang miting sa Palasyo, ginawang August 15 ang deadline o hanggang sa Biyernes na lang pwedeng bumiyahe ang mga colorum trucks at buses. Nanghuli din agad ang MMDA na umabot sa 47 colorum buses. Ang multa at penalty ay base sa lumang MMDA regulation number 97-004 na nagpapataw lamang P5,000 sa operator ng colorum at P1,000 naman sa driver. At sila’y naidagdag sa kasalukuyang 401 colorum buses at AUVs na nasa MMDA impounding area.

Sa datos ng DOTC, 46 percent o 4,600 ng kabuuang 10,000 buses sa Metro Manila ang colorum. At tingnan niyo ang mababang penalty, P5,000 sa MMDA at Metro mayors, samantalang P6,000 lang sa DOTC-LTFRB. Kahit 17 years na ang MMC resolution, hindi binago ang napakamurang multa na P5,000.

At ngayong Sabado, P1 milyon multa na ang ipapataw sa colorum bus, P200,000 sa truck at P100,000 sa jeepney. Sa totoo lang, kung hindi pa dumating ang mas mataas na multa ng LTFRB-LTO, tuloy-tuloy ang ligaya ng colorum at mga protektor nito.
Sa kampanya vs colorum, kahit ang MMDA na merong 1,500 traffic enforcers, ay hanggang 400-500 lang ang nahuhuling PUVs kasama na ang mga bus sa loob ng isang taon. Lalo naman ang LTO-LTFRB na kulang sa10 lang yata ang mobile units sa Metro Manila.

Kaya naman ang tagumpay ng kampanya vs mga colorum ay depende kung seryoso ang traffic enforcement. Isipin niyo, 4.000 colorum buses ang hindi nahuhuli ng MMDA-LTO-LTFRB.

Hindi kaya sinasadya lang ito o baka talagang kulang lang sa tao? O baka nakatimbre na ang mga colorum buses sa mga manghuhuling MMDA at LTO-LTFRB?

Naaala ko tuloy si MMDA chair Tolentino, tatlong araw pa lang nakaupo sa pwesto noong 2010. Sabi niya, tatlong bus companies – Baliwag Transit, Five star at Rose transit ang umano’y may monthly payola sa mga dating opisyal ng MMDA. Pero nanahimik din ang isyu. Noong nakaraang taon, ibinandera naman ni Manila Vice Mayor Isko Moreno na may P60 milyong hatag ang mga provincial buses para makapasok sa Maynila.

Hindi na ako nagataka kung bakit nakakalusot ang mga colorum sa Metro Manila.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Ngayong malapit nang ipatupad ang malaking multa, sino ang mawawalan ng dilehensya? At sino ang magkakaroon? Kanino titimbre ang mga colorum buses? Sa LTFRB, LTO, MMDA o Metro Manila Mayor? Sino ang kailangan ng maraming pondo? Meron akong clue, at iyan ay ang numerong 2016!

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending