GAANO ba kahalaga ang langis sa makina ng motorsiklo?
Sinasabing ang motor oil ang pinaka-dugo ng makina ng motorsiklo kung kaya dapat laging nasa tama ang dami na nakalagay rito.
Kapag natuyuan ng langis, posibleng maging dahilan ito para masira ang bearing at granahe sa loob ng makina. O baka mas malala pa.
Tumutulong din ang langis upang hindi tumindi ang init ng makina.
Ayon sa mga eksperto, kapag tumakbo ang motorsiklo ng 1,000 hanggang 1,500 kilometro ay dapat nang palitan ang langis.
Kung sira na ang kilometrahe ng motosiklo ay dalawa hanggang tatlong buwan ay puwede nang magpalit ng langis.
Tignan sa inyong manual kung anong klase ng langis ang dapat ilagay dahil iba ang langis ng 4-stroke at langis ng 2-stroke motorcycle.
Kailangan ding haluan ng 2t oil ang gasolina sa 2-stroke habang may gear oil naman sa 4-stroke na nakalagay sa pinagkakabitan sa hulihang gulong.
Kung walang tagas sa gear oil ay tatagal ito hanggang anim na buwan o higit pa.
Ugaliing tingnan kung nasa level ang motor oil sa pamamagitan ng pagsukat gamit ang deep stick ng motorsiklo.
Kung wala naman tagas ng langis sa makina at hindi mausok ang tambutso ay puwedeng kada dalawang beses kada lingo ang gawin pagsukat.
Ayos lang naman na maantala ng konti ang pagpapalit ng langis subalit siguruhin na nasa tamang sukat pa ito.
Kung may warranty pa ang motorsiklo ay walang problema dahil langis lang ang bibilhin at walang bayad sa mekaniko.
Kapag wala naman ay madali lang naman magpalit ng langis, buksan lang gamit ang llave ang drain plug na nasa ilalim ng makina at hayaang tumulo ang langis.
Kapag wala nang pumapatak ay isara ang drain plug at lagyan na ng lagis ang makina kung saan makikita ang deep stick at ilagay sa level ang ilalagay na langis.
Makikita naman sa manual ng motorsiklo kung gaano karami ang ilalagay na langis at huwag sobra-sobra dahil mahihirapan ang mga granahe sa makina na makaikot ng husto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.