Handa ka na ba sa ‘ghost month’?; Maraming mamalasin
PINAG-IINGAT ni Feng Shui Master Hanz Cua ang publiko sa mga masasamang bagay na posibleng mangyari ngayong ghost month.
Sinabi ni Cua na kapag ghost month ay bumubukas ang pintuan ng impiyerno kaya nakagagala ang mga “hungry ghost” na naghahatid ng kamalasan sa tao.
“Hungry ghost are searching for persons to do harm and cause pain to people,” ani Cua.
Paliwanag niya, ang hungry ghost ay ang mga taong namatay sa aksidente, pinatay, mga “unhappy souls,” mga kaluluwang hindi pa tapos ang gagawin sa mundo, naging masamang tao at ang mga kaluluwa ng mga taong hindi na dinadalaw ng kanilang mga kamag-anak sa libingan.
Ayon kay Cua, ang ghost month ay mula sa ika-15 araw ng ikapitong buwan ng Lunar Calendar. At ngayong taon ito ang ikapitong buwan ay mula Hulyo 27 hanggang Agosto 24 at ang Agosto 10 ang ika-15 araw ng ghost month.
Sa ghost month, tumataas umano ang bilang ng mga aksidente at krimen, at maraming negosyo ang nalulugi. Dumarami rin ang bilang ng mga nakikitang multo.
Ayon kay Cua, ang 911 attack sa Amerika ay nangyari sa huling araw ng hungry ghost month ng 2001. Naaksidente si Princess Diana noong ghost month ng 1997 (August 31). Dito sa bansa, nangyari ang Payatas tragedy noong ghost month ng 2000 at gayundin ang Cherry Hills tragedy noong Agosto 2, 1999 at ang Pagoda tragedy noong Hulyo 2, 1993.
Makabubuti umano na huwag nang magpakasal sa ghost month. Huwag ding magbubukas ng bagong negosyo o magtatayo ng bagong imprastraktura. Hindi rin maganda na maglipat-bahay o lumipat ng opisina.
Hindi rin magandang magpaopera, mag-swimming at iba pang adventurous sports at iwasan na magpapagabi sa lansangan. Para mapasaya ang mga hungry ghost, maganda umanong mag-alay ng pagkain sa kanila gaya ng baboy, manok, kanin, beer, sigarilyo, prutas, at mga matamis.
Bisitahin din ang mga namayapang mahal sa buhay at magdasal. Ayaw din umano ng hungry ghost ng “happy color” kaya magsuot nito upang huwag sundan ng hungry ghost. Maaari ring maglagay ng asin sa bintana at pintuan upang hindi pumasok ang mga hungry ghost sa loob at magsindi ng insenso. Pinakaimportante pa rin ang pagdarasal sa Diyos, dagdag niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.