Maria Y. Orosa, bayani ng pagkaing Pilipino | Bandera

Maria Y. Orosa, bayani ng pagkaing Pilipino

Ige Ramos - July 28, 2014 - 03:00 AM

Hindi matatawaran ang kontribusyon sa larangan ng pagpapayabong ng pagkain sa Pilipinas ni Maria Y. Orosa, ang nag-imbento ng banana ketchup.

Bilang isang siyentipiko na may puso at pagmamahal sa bansa, determinado si Maria na linangin ang potensyal ng mga katutubong gulay at prutas upang maibsan ang kagutuman ng mga mamamayan.

Gamit ang sampalok, santol, calamansi, bayabas, at iba pang mga maaasim na prutas, gumawa siya ng mga jam at jellies. Lumikha rin siya ng toyo mula sa soybeans at copra.

Upang di mabulukan ng mga gulay at prutas, ginawa niya itong atsara. At  ginawa niyang “concentrate” ang calamansi bilang pamalit sa mga softdrinks.

Maagang pumanaw ang ama ni Maria na si Simplicio Agoncillo Orosa kaya naging katuwang ng ina na si Juliana sa paghahanap-buhay at pagpapaaral sa kanyang pitong kapatid.

Nang hindi na niya matiis ang kanilang kahirapan, nagtungo si Maria patungong Estados Unidos noong 1916 upang mamasukan.

Kung anu-anong trabaho ang pinasok ni Maria, mula sa pagiging kasambahay hanggang sa pamimitas ng prutas.Nang makaipon ay nag-aral siya sa University of Washington.

Tumira siya sa tahanan ng dekano ng College of Pharmacy ng unibersidad. At dahil wala siyang natatanggap na tulong mula sa Pilipinas, ginampanan niya ang mga gawaing-bahay doon, kapalit ng pagkain at tirahan.

Nagbunga naman ang kanyang pagpupursige dahil makalipas ang tatlong taon ay nakapagtapos siya ng Bachelor of Science at Master of Science sa Pharmaceutical Chemistry.

Noong sumunod na taon ay nabigyan siya ng katungkulang bilang assistant state chemist ng Washington. Bagamat isang prestihiyosong posisyon, iniwan ito ni Maria at umuwi siya ng Pilipinas noong 1922 dahil ang pakiramdam niya ay higit na kailangan siya ng kanyang mga kababayan.

Tinanggap niya ang alok ng Bureau of Science bilang kawani ng Food Preservation Division. Makaraan ang ilang taon ay ipinadala siya ng pamahalaan sa Estados Unidos upang pag-aralan ang tamang sistema ng pag-iimbak ng pagkain.

Nang bumalik siya ng bansa noong 1929 ay nagsimula naman ang kanyang mga pamana bilang culinary expert at food technologist. Sa pagbabalik niya sa Bureau of Science ay naging pinuno siya ng Food Preservation Division.

Mahalaga ang papel na ginampanan ng “home extension work” na kanyang itinatag bunsod ng pagpapalawig ng Food Preservation Division.

Kinilala ito ng kalihim ng Department of Agriculture and Commerce na siya ring nagtatag ng Home Economics Division noong 1932.

Noong 1934, ang dalawang division na ito ay pinagsanib at inilipat sa Bureau of Science bilang bahagi ng Plant Utilization Division ng Bureau of Plant Industry,  na pinangasiwaan ni Maria hanggang siya ay pumanaw.

Bago pa man nailunsad ang “patubig o balon sa bawat baryo,” nakaisip na si Maria ng isang kongkreto at praktikal na paraan kung paano matutulungan ang mga maralita.

Dahil alam niya kung gaano kahirap ang buhay sa baryo, pinag-aralan niya ang iba’t ibang katutubong lutuin kung saan pumili siya ng mas mura, ngunit mas masustansyang sangkap sa pagluluto.

Isang halimbawa ay ang kanyang naimbentong fishball, na kung saan gumamit siya ng arina na gawa sa soya beans at cassava.
Isa pa sa mga pinakamahalagang ambag niya sa kanayunan ay ang Orosa Palayok Oven, na tinuturing na pinakamakabuluhang imbensyon na pinakinabangan ng mga maralita.

Ito ay isang simpleng imbensyon kung saan ang isang palayok ay nilagyan ng lata at alambre. Ginamit ito bilang panghurno sa manok, tinapay o cake.

Itinatag din ni Maria ang Health, Heart, Head and Hand (4-H) Club sa buong bansa. Dito, natutuhan ng mga mamamayan ang tamang pangangasiwa ng tahanan, mula sa pagluluto at tamang nutrisyon, pagpreserba ng gulay at prutas, pag-aalaga ng manok at paghahalaman.

Ang kanyang pinakamatinding pagsubok ay nang sumapit ang panahon ng Hapon.Sumapi si Maria sa mga gerilya kung saan  ginawaran siya ng ranggong Kapitan.

Siya ang nangasiwa sa pagluluto para mga hukbo at nagpapadala ng mga pagkain sa mga bilanggo ng mga kampo tulad ng sa Unibersidad ng Santo Tomas.

Ipinadala ni Maria ang kanyang lalaking empleyado sa kampo na nagpapanggap na karpintero na may bitbit na kawayan. Ang hindi alam ng mga sundalong Hapon, ang mga kawayan ay naglalaman ng pagkain tulad ng magic powder na gawa sa soya beans, gatas at darak na pantawid-buhay sa mga nakakulong sa kampo.

Pinilit si Maria ng kanyang mga kamag-anak na lumisan ng Maynila, ngunit hindi niya iniwan ang kanyang puwesto. Sa “Battle for Manila” noong Pebrero 1945 ay isa sa mga nabombang gusali ang Bureau of Plant Industry sa San Andres, Maynila. Isa si Maria sa mga nasawi.

Kung may katanungan o mungkahi, mag text po lamang sa 09175861963. Huwag kalimutan ang pangalan at lugar.

Ginataang Santol
(Mula sa kagandahang-loob ni Beth Romualdez)

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

ANG lutuing ito ay maaaring kainin bilang ulam o sawsawan. Ang pinakamainan na gamitin dito ay ang mga maliit at maaasim na santol. Piliin lamang ang magulang na niyog upang makakuha na gata na may mataas ang uri. Tiyakin ang santol ay pigang-piga at tuyo bago ito ihalo sa gata. Masarap itong ipares sa pritong isda o baboy at mainit na kanin.

Mga sangkap
1½ kilo ng santol, binalatan, itapon ng buto
1 kutsarang asin
1/2 kilo ng liempo, hiniwa nang maliliit
2 tasa, kakang gata (unang piga)
2 tasa, gata (pangalawang piga)
1 sibuyas, tinadtad
2 kutsarita, bagoong
3 ngipin ng bawang, pinitpit
2 siling haba, hiniwa nang maliit
Asin at paminta, ayon sa panglasa
Paraan ng paggawa
Tadtarin nang pino ang santol. Budburan ng asin, lamasin at pigaing mabuti upang maalis ang pakla.
Sa isang kawali na mahinang apoy, ilagay ang gata (pangalawang piga). Ilagay ang liempo. Haluin nang bahagya upang hindi mamuo ang gata.
Kapag luto na ang liempo, isahog ang sibuyas, bawang, bagoong at santol. Lutuin sa mahinang apoy hanggang ang sabaw ay matuyo.
Idagdag ang kakang gata (unang piga), at siling haba. Haluin ito nang mabuti. Lutuin sa mahinang apoy hanggang magmantika ito. Timplahan ng asin at paminta.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending