SALAMAT kay Bruce McTavish ng New Zealand, matutuloy ang nakatakdang depensa ni IBO World Super Flyweight champion Edrin “The Sting” Dapudong sa Johannesburg, South Africa.
Ito ay matapos na pumayag si McTavish na maging last-minute replacement na referee sa laban ni Dapudong kay South African Lwandile Sithyatha sa Hulyo 18.
Nasa Johannesburg si McTavish, na nakabase sa Olongapo, para maging isa sa tatlong hurado ng laban. Pero itinaas siya bilang referee dahil hindi makakarating ang orihinal na referee na si Michael Alexander ng Great Britain.
Unang pinili ng promoter bilang kapalit ni Alexander ay isang taga-South Africa ngunit pumalag ang manager ni Dapudong na si Manny Pinol. Nagbanta si Pinol na umuwi ng Pilipinas kung ang referee ng laban ay isang kababayan ng kalaban.
Nang iminungkahi ng mga promoter na ang beteranong boxing referee na si McTavish na lang ang magiging “third man on the ring” ay pumayag ang kampo ni Dapudong.
Kasama ni Dapudong sa Johannesburg si Pinol at mga trainers na sina Nonoy Neri at Rex Penalosa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.