Sam ayaw sayangin ang oras sa walang kwentang babae
GUSTO nang magkaroon ng sariling pamilya ni Sam Milby kapag 33 or 35 years old na siya, kaya kung sakaling magkaroon siya ng bagong girlfriend ngayon, kailangang ito na raw ang babaeng makakasama niya habambuhay.
Sey ni Sam, mas naging mapili na siya ngayon sa girl, at hindi na uso sa kanya ang pakikipag-flirt. ‘Yan daw ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay wala pa siyang karelasyon.
Pero aniya, meron daw siyang nagugustuhan ngayon, but he chose not to talk about it in public. Sa interview ng ABS-CBN sa isa sa leading man ni Anne Curtis sa Primetime Bida series na Dyesebel na dalawang linggo na lang sa ere, sinabi nitong very careful na siya sa pagpili ng babae.
“Ako nandoon ako sa point na hindi ako mag-i-invest kung alam kong walang future. Ako, 30 na ako. Sana naman kung sino ang susunod na girlfriend ko, ‘yun na. Sana.
Kasi 30 na ako, gusto ko 33 to 35 mag-asawa na ako, magkapamilya na. Mas picky na ako,” sabi ng hunk actor. Pag-amin pa ng binata, “Meron naman (akong napupusuan).
Ayaw ko lang sabihin kasi masyadong maaga pa pero basta tingnan natin.” Isa pang rason kung bakit hindi siya masyadong nakakalabas ngayon ay dahil patayan na ang taping nila sa Dyesebel dahil malapit na nga itong magtapos.
Magkahalong lungkot at kaligayahan ang nadarama niya ngayon sa pagtatapos ng kanilang fantaserye. “Nakakalungkot kasi nag-e-enjoy kami sa taping. Lahat kami nagpupuyat, working hard, but we’ve become a family.
Mami-miss ko ‘yung taping namin but at the same time, happy sa lahat ng sumusuporta sa amin until the end,” ani Sam.
Dagdag pa ng binata, “Everyone naman, naging pamilya kami dito.
Sobrang swerte ako, kaming lahat to be a part of isang story na matagal na sa Pinoy history. For me, to be part of the version ng ABS-CBN, sobrang masaya. Mami-miss ko lahat ng tao.”
Siguradong malungkot din ang iba pang members ng cast ng Dyesebel dahil sabi nga ni Sam, para na silang pamilya sa set ng serye, lalo na si Anne na aminadong napalapit na rin kina Gerald Anderson, Albert Martinez, Eula Valdez, Dawn Zulueta, Zsa Zsa Padilla, Gabby Concepcion, Ai Ai delas Alas at Andi Eigenmann.
Samantala, sa huling dalawang linggo ng nangungunang serye sa buong bansa base na rin sa survey ng Kantar media/TNS, mabubuking na ng buong mundo ang pagiging sirena ni Dyesebel.
Dito na magsisimula ang panibagong paghihirap nya dahil na rin sa pagtuntong niya ng lupa. Marami pang mangyayaring hindi n’yo inaasahan sa buhay ni Dyesebel kaya huwag na huwag kayong bibitiw.
Sa direksiyon nina Don Cuaresma, Francis Pasion at Darnel Villaflor, napapanood pa rin ang Dyesebel after TV Patrol.
( Photo credit to EAS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.