SA Sabado ay ihahayag na ng Philippine Basketball Association ang mga individual awardees para sa 39th season na nalalapit nang magtapos.
Natural na ang pinakaaabangan ng lahat ay kung sino ang itatanghal na Most Valuable Player.
Well, sa ngayon, kung statistical points ang pag-uusapan ay tila runaway winner na ang sophomore na si June Mar Fajardo ng Petron Blaze/San Miguel Beer.
Bagamat hindi pumasok sa Finals ng alinman sa tatlong conferences ang Beermen, aba’y napakalayo ng agwat ni Fajardo sa lahat ng naghahabol sa kanya.
Idagdag pa rito ang pangyayaring siya ang naging Best Player ng Philippine Cup.
Tandaan natin na mabigat ang value ng Philippine Cup kaysa sa Commissioner’s Cup at Governors’ Cup na mas maiikling conferences.
Katunggali ni Fajardo para sa award sina Jayson Castro at Ranidel de Ocampo ng Talk ‘N Text, Paul Asi Taulava ng Air21 (ngayo’y NLEX Road Warriors) at Gregory Slaughter ng Barangay Ginebra San Miguel.
Wow! ‘Yun ang nakakagulat. Nasa mga contenders para sa award si Slaughter gayong ito ay isang rookie. Malamang na ito na nga ang magwagi bilang Rookie of the Year. At bunga nito ay nababanaag na ng lahat na tiyak magiging superstar ito sa mga seasons na darating.
Aba’y kung naging maganda lang ang performance ng Gin Kings at pumasok sa Finals ng isa sa tatlong conferences, baka si Slaughter ang naging leading contender para sa MVP award. At kung nagkaganoon ay malamang na napantayan niya ang record ni Benjie Paras na nagwagi bilang Rookie of the Year at MVP noong 1989.
Puwes, hanggang ngayon ay hindi matitinag ang record na iyon ng manlalarong tinaguriang “Tower of Power.”
Pero tiyak na sina Slaughter at Fajardo ang siyang magiging magkaribal nang husto sa susunod na dekada ng PBA!
Parang Ramon Fernandez versus Alberto Guidaben. Taller version nga lang.
Back to Fajardo, siguradong may kukuwestiyon kung bakit siya ang magwawagi bilang MVP gayong hindi niya naihatid sa Finals ang Beermen.
Well, hindi naman kasi nakasaad sa rules ng PBA na kailangang naihatid ng isang manlalaro sa Finals ang kanyang koponan upang maging contender para sa MVP award.
Ang mahalaga ay ang impact mo sa liga. Ang kaya mong gawin laban sa mga kalaban mong manlalaro.
Hindi na nga umabot sa Finals o sa semis ang San Miguel Beer, e di hindi nakakuha ng bonus points para sa won games si Fajardo. Pero siya pa rin ang una sa statistics. Paano pa kung umabot sa semis o Finals ang Beermen? Malamang na milya-milya ang kanyang agwat sa susunod na player.
Siyempre, matutuwa si Fajardo kapag nakamit niya ang MVP award.
Pero tiyak na ipapangako niya sa kanyang sarili na sa susunod na season ay bubuhatin niya nang husto ang Beermen upang maihatid sa kampeonato. Iyon ang tunay na hahangarin niya magmula ngayon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.