Mga Laro Ngayon
(The Arena)
12 p.m. Letran vs Lyceum
2 p.m. San Beda vs Mapua
Team Standings: San Sebastian (2-0); San Beda (1-0); Perpetual Help
(1-0); Arellano (1-0); EAC (1-0); Letran (0-1); Mapua (0-1); Lyceum
(0-1); St. Benilde (0-1); Jose Rizal (0-2)
IKALAWANG sunod na panalo ang target ng four-peat defending champion San Beda Red Lions habang agawan sa unang panalo ang magaganap sa pagitan ng Letran Knights at Lyceum Pirates sa 90th NCAA men’s basketball tournament ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Kalaro ng Red Lions ang Mapua Cardinals at balak ng una na dugtungan ang kinuhang 57-49 pamamayani sa host Jose Rizal University Heavy Bombers sa unang laro.
Kung mapagtagumpayan ito ng Red Lions ay babalik sila sa pakikisalo sa liderato na solong tangan ngayon ng San Sebastian Stags sa 2-0 karta.
Galing ang Cardinals mula sa 57-91 pagkakadurog sa kamay ng Perpetual Help Altas upang ipalagay na madaling asignatura ito para sa nagdedepensang kampeon.
“Hindi puwedeng maging basehan ang unang laro para masabi kung mananalo ka o matatalo sa sunod mong laban. Lahat ng teams ay malakas at may chance na manalo sa ligang ito,” wika ni San Beda coach Boyet Fernandez.
Dahil dito, hanap ni Fernandez ang mas magandang laro sa mga inaasahan manlalaro sa pangunguna ni Ola Adeogun na gumawa ng 20 puntos at 14 rebounds sa unang laro.
Babangon ang Knights mula sa 83-85 pagkatalo noong Sabado sa Stags sa larong kanilang dinomina at nakalamang pa ng 10 puntos sa huling yugto bago tumiklop.
Sa kabilang banda, patutunayan ng Pirates na may sapat silang puwersa para maging palaban sa liga.
Wala sa koponan ang dalawang Cameroonians na sina Aziz Mbomiko at Guy Mbida at naramdaman ang kanilang pagkawala sa 80-93 pagkatalo sa Arellano Chiefs sa unang asignatura.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.