2-0 SEMIS LEAD ASINTA NG SAN MIG COFFEE MIXERS
Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
5 p.m. Talk ‘N Text vs San Mig Coffee
(Game 2, best-of-5 semis)
HABOL ng San Mig Coffee ang 2-0 kalamangan sa muli nilang pagkikita ng Talk ‘N Text sa Game Two ng best-of-five semifinal round ng PLDT Home Telpad PBA Governors’ Cup mamayang alas-5 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Napanalunan ng Mixers ang series opener nang maungusan nila ang Tropang Texters sa overtime, 92-88, noong Huwebes.
Pinangunahan ni Marqus Blakely ang San Mig Coffee nang magtala ito ng 20 puntos. Nakakuha siya ng suporta sa apat na locals na nagtapos nang may double figures sa scoring.
Ang two-time Most Valuable Player na si James Yap ay gumawa ng 13 puntos. Nag-ambag ng 11 si Mark Barroca at nagtala ng tig-10 sina Marc Pingris at Allein Maliksi.
Pinunan ni Maliksi ang pagkawala ni Peter June Simon na hindi na nakapaglaro mula noong quarterfinals game laban sa San Miguel Beer bunga ng severe back spasms. Tinalo ng Mixers ang Beermen, 97-90, upang umusad sa semis.
Subalit bukod kay Simon ay dalawang ibang manlalaro ang nagkaroon din ng diperensiya sa Game One. Nagtamo ng sprain si Yap samantalang iniwan ni Joe Devance ang laro sa fourth quarter bunga rin ng back spasms.
Nanguna ang Talk ‘N Text sa elims nang magposte ito ng 7-2 record. Tinambakan ng Tropang Texters ang Barako Bull, 99-84, sa quarterfinals upang marating ang semis.
Sa Game One ay nagtulong ang mga locals na sina Jason Castro at Ranidel de Ocampo na nagtala ng 25 at 19 puntos. Nag-ambag ng 17 ang import na si Paul Harris.
“We just battled and stayed in the game to give ourselves a chance in the end,” ani Mixers coach tim Cone. “Our guys are just battling and grinding it out. We’re just trying to create opportunities.”
Hangad ng Mixers na marating ang Finals upang patuloy na mabuhay ang tsansang makumpleto ang Grand Slam.
Napanalunan ng San Mig Coffee ang kampeonato ng huling tatlong conferences.
Ang iba pang inaasahan ni Cone ay sina Ian Sangalang, Justin Melton, Rafi Reavis at Alex Mallari.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.