ANG sabi ni Bong Revilla, wala raw ebidensiya, ni katiting, ang mga kasong plunder at katiwalian na isinampa sa kanya ng Ombudsman, na iniakyat naman sa Sandiganbayan. Ang sabi ng dalawang mamamahayag na idinemanda niya sa Trece Martires City, walang edidensiya si Bong Revilla nang idemanda ang mga ito sa piskalya, na iniakyat naman sa Regional Trial Court, na nasa Kapitolyo rin, kapwa nasa ilalim (nasa unang palapag) ng kanyang tanggapan bilang gobernador (na nasa ikalawang palapag).
Sa Senado, ngiting-ngiti at napakakisig pa rin ni Revilla. Sa husgado sa Trece, napakakisig ni Revilla at panaka-nakang ngumiti dahil inilalarawan niya sa kanyang mukha ang damdamin ng api nang dahil sa balita na lumabas sa pahayagan. Sa sumunod na mga bista sa Trece, na madalas ay di niya dinadaluhan at napo-postpone na lang dahil napakarami niyang inaasikaso bilang punong lalawigan, higit na naabala pa ang mamamahayag na nanggagaling pa sa San Jose del Monte, Bulacan; at minsan nga, sa pagmamadaling makaabot sa bista na itinakda alas-8:30 ng umaga ay naaksidente pa sa South Luzon Expressway. Bagaman sugatan ang abogado’t mamamahayag ay pinilit pa rin nilang makadalo sa bista, na postpone na naman.
Sa Trece, dinismis ng korte ang demanda pagkalipas ng ilang taon dahil walang ebidensiya, at kulang ang ebidensiya, ni Bong Revilla. Bakit isinampa ng piskalya ang kaso kung walang ebidensiya at kulang ang ebidensiya? Sa demanda na plunder at katiwalian sa Sandiganbayan, sana’y wala ngang ebidensiya ang Ombudsman, pero kailangan muna niyang makulong.
Egay Erice. Ang ganda ng palayaw mo. Kapag binaligtad ay Yage (Yague), repormista ng himagsikan at isa sa apat na kalye sa palibot ng Philippine Daily Inquirer sa Etimak (Makati ng mga Binay). Pero, sa kasalukuyang panahon ng napakalawak at pandaigdigang sakop, at ginagalawan bawat segundo, ng Internet, alanganin ito kapag binaybay na eGay.
Ayaw ng mga taga-Calookan na baybayin iyan na eGay. Egay ka pa rin. Pero, mas ayaw ng mga taga-Caloocan na mamulitika ka sa Kamara. Hayan ang mga taga-Caloocan, nagugutom, walang trabaho, alipin ng droga’t alak. Huwag ka nang mamulitika. Hayaan, o kundi’y, iwanan mo na ang Ikalawang Aquino. Dalawang meme na lang iyan. Marami ka pang meme. Sino’ng makapagsasabi? Baka ikaw na ang susunod na mayor ng Caloocan? Ibangon mo na naman ang kulelat na lungsod mo nang dahil sa mga bugok na politiko. Hindi ka bugok, Egay. Ibangon mo na ang hilahud na paraiso mo. Iyan ay kung gusto mo.
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Whahaha. Di dumating si Jinggoy at di nakapagsalita si Oca Malapitan sa Monumento dahil pati langit ay lumuha. Basa sina Oca at mga bisita at ang mga lobo, sumabit. Masamang senyales iyan Oca. …5993
May natitira pa bang matitino na dapat iboto? Ang Dirty 3 ay mayayaman at may panlagay sa mga hukom na korap. Makulong man sila, pagsapit ng Agosto 2016, may pardon na ang mga iyan sa bagong pangulo. Kawawa talaga sina Juan at Juana de la Cruz. Faustuato Danyuso, Carmona, Cavite …5733l
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.