Mga Laro Ngayon
(Biñan, Laguna)
3 p.m. Barako Bull vs Globalport
5:15 p.m. Rain or Shine vs Barangay Ginebra
Team Standings: Talk ‘N Text (5-1); Barangay Ginebra (4-1); San Mig Coffee (4-2); Air21 (4-2); San Miguel Beer (4-3); Rain or Shine (3-3); Alaska Milk (3-4); Meralco (2-5); Barako Bull (1-5); Globalport (1-5)
PAGSOSYO sa liderato at tuluyang pagpasok sa quarterfinals ang asinta ng Barangay Ginebra kontra Rain or Shine sa kanilang pagtutunggali sa PLDT Home Telpad PBA Governors’ Cup mamayang alas-5:15 ng hapon sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.
Sa unang laro sa ganap na alas-3 pm ay magkikita ang Barako Bull at Globalport na kapwa may 1-5 record at naghahangad makaiwas sa pagkalaglag.
Ang Gin Kings ay nakabawi sa 102-90 pagkatalo sa defending champion San Mig Coffee nang tambakan nila ang Barako Bull, 98-70, para sa 4-1 karta. Kung magwawagi sila mamaya ay makakasosyo nila sa itaas ng standings ang nangungunang Talk ‘N Text.
Subalit mabigat na kalaban ang Rain or Shine lalo na’t galing ito sa back-to-back na panalo. Matapos maungusan ang Barako Bull, 96-93, ay tinambakan ng Elasto Painters ang Alaska Milk, 123-72. Ang 51 puntos na winning margin ay ikaapat sa pinakamalaki sa kasaysayan ng liga.
Laban sa Aces, ang Elasto Painters ay pinamunuan ni Arizona Reid na nagtala ng 48 puntos. Makakatapat niya si Zaccheus Mason.
Si Reid ay susuportahan nina Gabe Norwood, Jeff Chan, Paul Lee, Beau Belga at Ryan Araña. Makakatunggali nila sina Mark Caguioa, LA Tenorio, Greg Slaughter, Japeth Aguilar at Chris Ellis.
Matapos na talunin ang Meralco, 95-94, sa una nitong laro ay nakalasap ng limang sunud-sunod nakabiguan ang Energy na ngayon ay hawak ni coach Bethune “Siot” Tanquingcen.
Ang Energy ay pinamumunuan ng import na si Eric Wise na sinusuportahan nina Willie Miller, Mick Pennisi, Ronjay Buenafe, Carlo Lastimosa at Jeric Fortuna.
Ang tanging panalo ng Globalport ay kontra sa Alaska Mlk, 95-91, noong Mayo 23. Ang Batang Pier ay pinamumunuan ngayon ni Dior Lohorn na humalili kay Leroy Hickerson. Subalit sa tatlong laro ni Lowhorn ay hindi niya nagawang baguhin ang kapalaran ng Batang Pier.
Ang mga locals na inaasahan ni coach Alfredo Jarencio ay sina Jay Washington, Alex Cabagnot, RR Garcia, Nico Salva at Terrence Romeo.
Bukas ay balik ang aksyon sa Smart Araneta Coliseum kung saan maghaharap ang San Mig Coffee at Air21 sa ganap na alas-8 ng gabi.
Samantala, tinambakan ng Meralco Bolts ang San Miguel Beermen, 90-74, sa kanilang out-of-town game kahapon sa Xavier Gym sa Cagayan de Oro City.
Si Mario West, na tinanghal na Best Player of the Game, ay nagtala ng 42 puntos, 14 rebounds at 3 steals para pamunuan ang Bolts, na umangat sa 2-5 karta at napanatiling buhay ang pag-asang makapasok sa quarterfinals.
Nahulog naman ang San Miguel Beer sa ikalimang puwesto sa 4-3 kartada.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.