NANINIGARILYO ka ba? Kung oo, isa ka sa mahigit 17 milyong Pinoy na may edad 15 at pataas ang itinuturing na adik sa nicotine.
Kung naninigarilyo ka, alam mo tiyak ang negatibong epekto nito sa kalusugan. Alam mo rin na ikamamatay mo ito. Pero alam mo kaya kung bakit ka naging adik dito?
Ang nicotine ay siyang kemikal sa tabako na nakaka-adik. Ang dahon ng tanim na tabako ay pinatutuyo muna bago gawing iba’t ibang produkto gaya ng sigarilyo, nga-nga (dip o chew) o kaya pulbos na sinisinghot.
Mula noon hanggang ngayon, pataas ng pataas ang dami ng nikotina sa sigarilyo dahil sa alam ng mga gumagawa nito na ang addiction ay magbibigay sa kanila ng malaking pera.
Isa sa kalokohan na ginagawa ng manufacturer at pusher ng nikotina, ay ang paggawa ng “Lights”, ibig sabihin mababang antas ng kemikal. Pero ganon din naman iyon, kasi kung ang naninigarilyo ay u-ubos naman ng napakaraming pakete ng sigarilyo, anong epekto ng “lights’?
Isa pang kasinu-ngalingan at kalokohan din ay ang pagbenta o pagsulong ng mga produkto na may nikotina gaya ng kendi at iba pa na “smokeless” kuno, na ang pakay ay para matigil ang pagsisigarilyo.
Pareho rin yan: May nikotina at adik ka pa rin!
Paano ka nagiging adik?
Ang nikotina sa sigarilyo mo ay nakararating sa iyong utak sa loob lamang ng 10 segundo sa pamamagitan ng paghithit mo.
Ang epekto nito ay ang paglabas ng “adrenaline” sa utak na nagbibigay ng pansamantalang kasarapan at enerhiya.
Oo, masarap na pakiramdam nguni’t hindi rin nagtatagal at nawawala agad kung kaya’t kinakailangan magsindi at humithit uli hanggang sa magtuluy-tuloy na. Ayun, adik ka na!
Kaya mo bang itigil ang iyong addiction? Oo naman, magagawa mo yan at magtatagumpay ka!
Ang problema mo lang kaibigan ay kapag tumigil ka sa pagsigarilyo, nagiging iritbale ka, napupuno ka ng pangamba, sumasakit ang ulo, at mabilis kang gutumin, at syempre hahanap-hanapin mo ang sigarilyo. Pero panandalian lang yan — ang withdrawal symptoms.
Isang linggo lang ang kailangan para makaalis sa adiksyon sa nikotina.
Abangan sa Biyernes ang kasunod na artikulo kung paano paglalabanan ang yosi.
Simula bukas ay araw-araw na rin ninyo akong makakasama. Isa-isa natin sasagutin ang inyong mga tanong sa bagong section na bubuksan ng Bandera.
Dahil sa nais ng Bandera na matulungan kayo sa inyong mga kalusugan ay bubuksan na nito ang section na BARANGAY KALUSUGAN araw-araw maliban sa Miyerkules at Biyernes.
Dito masasagot ang lahat ng inyong mga katanungan na ipinapadala sa pamamagitan ng text, email at Facebook.
Mababasa pa rin naman ninyo ang Dr. Heal na kolum tuwing Miyerkules at Biyernes.
Maari rin kayong makinig ng RADYO MEDIKO sa Radyo Inquirer 990AM, gabi-gabi alas 8 hanggang alas-9, at dito ninyo ako personal na makakapanayam. Ang telepono po ay 025191875-76 at 09192909646; sa FB: radyomediko)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.