MATINDItalaga ang kapangyarihan ng dila. At nakinabang du’n si Governor ER Ejercito.
Parang epidemyang kumalat ang kuwento na makabuluhang pelikula ang “Asiong Salonga,” na hindi maaaksaya ang ating pinag-ipunang halaga sa panonood ng pelikula, kaya ang proyektong inakala ng mas nakararami na magiging kulelat sa karera ay parang matulin na kabayong humugot nang todo at nakipagpeketehan sa kanyang mga katunggali.
Nang makakopo ng mga parangal ang “Asiong Salonga” sa MMFF ay mas umingay pa ang pelikula, ayaw magpaiwan sa mga kuwentuhan ang ating mga kababayan, pinilahan ang proyekto ni Governor ER Ejercito.
Pero bago nakatikim ng tagumpay ang pelikula ay sangkatutak munang problema ang nakaengkuwentro ng bida.
Ang pagpapatanggal ng direktor ng pangalan nito sa lahat ng kopya ng mga materyales na pambenta ng “Asiong Salonga,” ang pagtatampo ni Phillip Salvador sa hindi nito kagandahang billing, ang pananabotahe sa kanilang mga kopya na labimbito lang ang natapos sa unang araw ng labanan ng mga pelikulang lahok sa MMFF.
Pero may nakalaan palang premyo ang lahat ng mga pagsasakripisyo, pinarangalan ng pamunuan ng MMFF ang “Asiong Salonga,” labing-isang parangal ang naiuwi nila.
Pero ang pinakahihintay na parangal para sa gobernador ng Laguna ay kumabyos, si Dingdong Dantes at hindi siya ang tinanghal na pinakamahusay na aktor ng pestibal, gaano ba kasakit ‘yun para sa isang aktor na umaasang masisilip ang kanyang kapasidad sa isang may kuwentang pelikula?
“Bitin,” nakangiti pero alam mong may pakla ang kanyang maigsing pahayag. “Nagbubulungan pa kami ni Phillip nu’ng malapit na ang category, akin na raw ang award, pero ang narinig namin, pangalan ni Dingdong Dantes.”
Sa pananalo nito bilang best actor ay nagkawagan agad ang dila ng ating mga kababayan.
May kinalaman daw si Kris Aquino sa pananalo ni Dingdong dahil dalawang linggo pa bago ginanap ang labanan ay kung anu-ano nang pahayag ang pinakakawalan ng aktres na bunsong kapatid ng pangulo.
“Ang galing-galing ngang manghula ni Kris, para siyang si Nostradamus, nahulaan niya ang panalo ni Dingdong, pati ang pagiging number two ng pelikula niya,” may pagkasarkastikong bitiw ni Governor ER.
Pero nirerespeto niya ang lupon ng inampalan ng MMFF, diretso niyang sinabi na hindi pa siguro niya panahon ngayon, baka sa mga susunod pang pagbibigay ng parangal ay mapansin din ang galing niya sa pagganap sa “Asiong Salonga.”
Maiisip na lang tuloy natin na nasa poder nga ngayon ni Dingdong Dantes ang tropeo, pero sa puso at isip naman ng ating mga kababayan ay panalo si Governor ER Ejercito, ‘yun ang matamis na antas ng pananalo.
Nagkaroon kami ng pagkakataong makapanayam si Governor ER Ejercito sa gitna ng mga kontrobersiyang ikinakabit sa pelikulang “Asiong Salonga.”
Ang kanyang sentimyento ay hindi nagsisimula at natatapos lang sa pagkabigo ng mas nakararami nating kababayan na siya ang dapat tinanghal na pinakamahusay na aktor ng MMFF, marami pang iba, na ngayon lang niya diretsong sinasagot.
Bulong nga namin sa kanyang masuyong “tagapagtanggol” na si Jobert Sucaldito ay ibang-iba nang kausap ngayon ang dating kontrabida na gusto mong sapakin dahil sa husay niyang gumanap.
Kahit anong paksa ay kaya niyang dalhin, may saysay ang kanyang mga sinasabi, at Ejercito talaga siya dahil sa pagiging prangka at sinsero sa kanyang mga pinakakawalang komento.
Ngayong hapon sa Paparazzi Showbiz Exposed ay maglalantad ng kanyang mga saloobin ang aktor-politiko, diretso niyang sinabi kung gaano naging malaking abala para sa kanila ang pag-aalburoto ng kanilang direktor na binayaran naman nila nang sobra pa sa sapat, pero kung bakit pa nagmarakulyo.
May kailangang bantayan sina Kris Aquino at Dingdong Dantes sa panayam na ito, pero hindi siya nang-aaway, naglabas lang siya ng masasamang hangin sa kanyang tiyan para hindi siya maimpatso.
Masarap kakuwentuhan si Governor ER, hindi kasi sayang ang panahon mo sa pakikinig sa kanyang mga sinasabi, masarap kabatuhan ng opinyon ang isang taong hindi puro sabaw lang ang laman ng ulo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.