HABANG abala ang luklukan ng imperyong Maynila sa mga isyu ng truck ban, Janet Napoles, hangalan sa 2016, Kris Aquino (na naman!) at walang kakwenta-kwentang Senado’t Kamara, bumabaha na ng mga paninda na ‘Made in China” sa Divisoria.
Ang sabi ni Aling Matilde, 25 taon nang tindera ng tela at taga Barangay Laug, Mexico, Pampanga (kilala ang kanyang pamilya na magtetela sa Mexico, tulad ni Francis Maglolona [tindero’t sastre ng lona]), ang lahat ng tela na ibinebenta sa Divisoria ay galing sa China, mura na, maganda pa. Pero, hindi tumatagal at hindi sintibay ng tela noon na ga-ling India. Sa limang mall, lahat ng laruan ay “Made in China.” Sa pagbubukas ng klase, lahat ng school supplies ay “Made in China” at kung may ilan-ilan na gawa sa Pilipinas, galing naman ang mga ito sa pabrika ng mga Intsik, tulad ng Keng Hua Paper Products.
Bakit hindi kinukum-piska ng mga pulis ang hayagang pagtitinda ng mga pampatigas sa Divisoria? Sa isang latag malapit sa Meisic, inihahalo pa sa bold tabloids at Chinese porno ang mga pampatigas.
Napakabagal ang trabaho sa mga hukay sa Lamayan, Santa Clara, Syquia, Medel, atbp., sa Santa Ana, Maynila. Mas matagal pa ang pahinga at tunanganga ng mga naghuhukay. Kapag tirik ang sikat ng araw, sumisilong muna ang mga backhoe operator dahil baka raw sila ma-heat stroke. At babalik sa kanilang heavy equipment pagsapit ng alas-3 ng hapon, dalawang oras bago sumapit ang uwian. Kapag umulan alas-3:30 ng hapon, tulad ng nagaganap na ngayon araw-araw dahil tila mapapaaga ang pagsapit ng tag-ulan, hihinto na naman ang mga backhoe operator dahil putik na ang ikinakarga sa mga dump truck. Noong hapunan sa Malacanang nina Aquino’t Obama, hindi na gumagalaw ang daloy ng mga sasakyan sa Santa Ana, na inihayag ng MMDA na puwedeng alternate route. Hindi pala binilang ng MMDA kung ilan sa mga kalye sa Santa Ana ang hinuhukay.
Amoy eleksyon na nga. Kung manok ni Pangulong Aquino si Mar Roxas, bakit hindi niya tuwirang banggitin ang pangalan nito bilang masipag na opisyal? Ayon nga sa pitong lasing sa Batangas, hindi raw manok, kundi pato.
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Sana maglaan ang government ng legal assistance fund for unsolved heinous crimes sa mga biktima ng gun for hire, vigilantes, riding in tandem. Karamihan sa mga biktima ay walang panggastos para makamit ang hustisya, Sana may simpatiya naman sa kanilang kaso si PNoy at legislators. Romy, Davao Or. …5961
Sana naman, ngayong dapang-dapa na ang Mindanao sa brownout, mag-donate naman si Rep. Manny Pacquiao ng generator sets na puwedeng makapagbigay ng kuryente sa buong barangay, lalo na sa Sarangani. Iilan lang naman ang mga residente at kahit ilaw lang ay liliwanang na rin ang gabi namin. …8357
Malaki ang ipinagkaiba nina Barack Obama at Kristie Kenney. Hindi nararamdaman ng taga-Southern Mindanao ang kalingang personal ni Ambassador Kenney. Kinakausap ni Kenney kami, ang mahihirap. Si Obama, ang kinausap ay si Aquino. Hindi ba alam ni Obama na karamihan sa Zamboanga City, hanggang ngayon ay sinisisi si Aquino sa maraming nangyari sa kanilang buhay? Hindi ba alam ni Obama na pinabayaan na kami at kinalimutan ni Aquino? Raul, Upper Canelar, Zamboanga City …6122.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.